EDITORIAL
PANAHON na naman ng tag-ulan. At tulad ng dati, hindi lang ulan ang dala—pati baha. Mula sa Maynila hanggang probinsya, konting ulan lang ay baha na agad. Lubog ang kalsada. Trapik. Kanselado ang klase. Delikado para sa lahat.
Taon-taon ito nangyayari. Pero taon-taon din, tila walang solusyon. Ang laging dahilan: baradong drainage, basura sa estero o kulang sa budget. Pero ilang taon na tayong ganito? Bakit parang walang natututo?
Sa ibang bansa, mas malakas pa ang ulan, pero bihirang mabaha. Ang kaibahan—may plano sila. Maayos ang drainage. Disiplinado ang mga tao. At seryoso ang gobyerno sa ganitong problema.
Dito sa atin, puro paalala: “Huwag magtapon ng basura.” Pero kulang sa aksyon. Kada taon ay laging emergency response, hindi long-term plan.
Sa mga ganitong pagkakataon din naaalala ng ilan na magtanong kung ano ang nangyari sa programa ng pamahalaan kontra baha. Nasaan ang pondo sa flood control program?
Bilyon ang ginagastos ng pamahalaan para rito pero hindi maramdaman ng taumbayan.
Hangga’t hindi seryosong inuusig ang mga taong gobyerno na tumatanggap at namamahala ng pondo para sa pagkontrol ng baha, walang pagbabago.
Ang baha ay panganib sa kalusugan at kabuhayan. Maraming negosyo ang nalulugi. Maraming nagkakasakit sa maruming tubig. At kung minsan, may buhay pang nawawala.
Oras na para gumawa ng pangmatagalang solusyon. Hindi dapat normal ang baha tuwing tag-ulan.
