MABABANG INFLATION, DAPAT MAGRESULTA SA MAS MABABANG INTEREST RATES

HINIMOK ni Senator Win Gatchalian ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na samantalahin ang patuloy na mababang antas ng inflation sa bansa upang ipatupad pa ang mga karagdagang pagbabawas sa interest rates.

Ayon sa senador, ang benign o kontroladong inflation noong Hunyo — na nanatili sa ilalim ng target range ng BSP — ay nagpapakita ng oportunidad para maglabas ng monetary rate cuts na maaaring magpasigla sa konsumo at magtulak ng mas matatag na paglago ng ekonomiya.

“Sa patuloy na mababang inflation, umaasa tayong gagamitin ito ng BSP bilang pagkakataon upang magpatupad ng rate cuts na magpapalakas sa paggastos ng mga mamimili at makatutulong sa mas masiglang ekonomiya,” saad ni Gatchalian.

Idinagdag pa ng senador na kinakailangang patuloy na bumaba ang food inflation upang mapagaan ang pasanin ng pamilyang Pilipino.

“Makakatulong ito sa pagpapalakas ng food security at sa pagpapabuti ng kalidad ng kanilang pamumuhay,” dagdag pa ng senador.

Binigyang-diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng tuluy-tuloy na hakbangin ng pamahalaan sa presyo ng pagkain, lalo na ng bigas, na pangunahing pangangailangan ng masa.

“Dapat siguruhin ng gobyerno na tuloy-tuloy ang interventions nito para pababain ang presyo ng pagkain, lalo na ng bigas, na pangunahing pangangailangan ng ating mga mahihirap na kababayan,” giit pa ng mambabatas.

(Dang Samson-Garcia)

34

Related posts

Leave a Comment