MAHIGIT 40 lugar sa Hilagang Luzon ang nalubog sa tubig-baha sanhi ng walang tigil na pag-ulan dala ng Tropical Storm Danas at ng nararanasang Monsoon rain na nakaapekto sa libo-libong tao bukod pa sa naitala ring mga pagguho ng lupa.
Nitong nakalipas na linggo ay patuloy ang ginagawang assessment ng Office of Civil Defense na nagsagawa ng coordinated response sa buong Northern Luzon kasunod ng ulat na landslide sa Benguet.
Pansamantalang isinara ang Kennon Road, noong Linggo, Hulyo 6 ng gabi, matapos na gumuho ang ilang mga bato malapit sa rock shed sa bahagi ng Camp 6, Tuba, Benguet.
Ayon sa ulat ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), nagkaroon ng rockfall sa may tunnel mills site, dahilan upang hindi na madaanan ang parehong direksyon ng kalsada.
Tiniyak din nila ang kaligtasan ng lugar at ang lawak ng naging pinsala nito habang hanggang kahapon ay nagpapatuloy ang clearing operations. Wala namang naiulat na nasaktan sa pagguho.
Una rito, nagkaroon din ng landslide sa isang komunidad sa Barangay Virac, Itogon, Benguet na naging sanhi para lumikas ang mga residente habang nanalasa ang Tropical Storm Danas na pinalala pa ng habagat.
“The Office of Civil Defense (OCD), under the directive of President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. and with the guidance of Secretary of National Defense Gilberto C. Teodoro Jr., is leading a coordinated disaster response across Northern and Central Luzon,” ayon sa National Disaster Risk Reduction Management Council.
Nitong Lunes ay kanselado ang klase sa ilang lugar dahil sa epekto ng Habagat at mga pag-ulan kamakailan, sa lalawigan ng Ilocos Norte; Ilocos Sur province; sa Aringay, La Union; Bauang, La Union; Aguilar, Pangasinan; Basista, Pangasinan; Binmaley, Pangasinan; Lingayen, Pangasinan; Sual, Pangasinan; Umingan, Pangasinan; Masinloc, Zambales; at Palauig, Zambales.
Ilang paaralan din sa Calabarzon partikular sa lalawigan ng Cavite, ang nagsuspinde ng klase kahapon.
Nasa 38 na lugar sa Luzon ang binaha dahil sa pag-ulan na dulot ng Bagyong Bising at southwest monsoon o Habagat.
Sa ngayon, wala pang naitala ang Office of Civil Defense (OCD) na casualties o nawawala dahil sa masamang lagay ng panahon.
Patuloy namang mino-monitor ng OCD ang sitwasyon sa Pangasinan dahil sa posibleng pag-apaw ng Agno River at posibleng magdulot ng pagbaha sa mga karatig lugar.
Bagama’t palabas na kahapon ng umaga ang Bagyong Bising na bumalik sa loob ng teritoryo ng bansa ay pag-iibayuhin pa rin nito ang Habagat na magdadala ng pag-ulan.
Huling namataan ang sentro ng Bagyong Bising sa layong 405 kilometers north northwest ng Itbayat, Batanes.
(JESSE RUIZ)
