‘Wag puro panghuhuli – Isko TRAFFIC ENFORCERS DAPAT UMALALAY SA MGA MOTORISTA

BINALAAN ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang traffic enforcers na magtino na at huwag puro lamang panghuhuli ang ginagawa.

Sa unang flag raising sa kanyang pagbabalik bilang alkalde ng lungsod ng Maynila, partikular na binalaan ni Domagoso ang mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB).

“Magtino na kayo, siguro naman narinig na ng director ninyo na si Dennis Viaje na ang traffic enforcement is a traffic assistance hindi violation lagi ang hinahanap natin,” babala ng alkalde sa traffic enforcers.

Binigyang babala ni Domagoso ang ilang MTPB na mahilig magtago saka susulpot at haharangan ang mga motorista na nakita nilang lumabag sa batas trapiko.

“Anyway, may huli o wala, may suweldo,” pagtitiyak pa ni Mayor Isko.

Ayon pa kay Mayor Isko, dapat nang baguhin ang estilo ng traffic enforcers at maiging tumulong na lamang sa mga motorista.

Giit ng alkalde, dapat tumulong sa publiko ang mga ito at hindi ang paghuhuli lamang ang ginagawa na madalas na inirereklamo ng mga motorista.

Maigi aniya na umalalay sila sa daloy ng trapiko hindi lamang sa pangunahing kalsada kundi sa iba pang mga lugar sa Maynila na nakararanas ng pagsisikip ng trapiko.

Sa usapin naman ng naantalang sweldo ng ilang mga tauhan ng MTPB, sinabi ng alkalde na sisikapin nilang maibigay ito hanggang sa makumpleto lahat.

Samantala, hinikayat naman ng alkalde ang J.O. (job order) workers na

hindi na nagpapakita, na bumalik, mag-report at magtrabaho ng nararapat upang hindi sila matanggal sa serbisyo.

Nakiusap naman si Mayor Isko sa lahat ng mga empleyado na tumulong at gawin ang nararapat na trabaho para makaahon ang lungsod ng Maynila sa pagkakabaon sa utang.

(JOCELYN DOMENDEN)

22

Related posts

Leave a Comment