AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS
HINIKAYAT ng isang mambabatas ang taumbayan na tumulong para i-pressure ang dalawang Kapulungan ng Kongreso na maging batas ang mga panukala na tuluyang magbabawal sa mga magkakamag-anak na tumakbo sa iba’t ibang posisyon.
Ginawa ni Bukidnon Rep. Keith Flores ang pahayag matapos aminin na maliit ang tsansang maisabatas ang panukala maliban lamang kung sumali ang sambayanang Pilipino sa labang ito.
“To be realistic about it, medyo slim,” pag-amin ni Flores na isa sa naghain ng panukala bukod sa grupo ng Makabayang bloc na sina ACT Teacher Party-list Rep. Antonio Tinio, at Kabataan Party-list Rep. Renee Co.
Sinabi ng mambabatas na nakadepende ang tagumpay ng nasabing panukala sa suporta ng mamamayan dahil kung tatanungin aniya ang mga tao ay gusto nilang matapos na ang political dynasty.
“Kung anong public support ang makukuha natin dito. Ang importante po gusto ng karamihan na mabigyan ng definition kung ano ba talaga itong political dynasty,” paliwanag pa ng mambabatas sa isang panayam kahapon.
Sa ilalim ng panukala ni Flores, ipagbabawal ang pagtakbo ng miyembro ng pamilya hanggang second degree of consanguinity o mula anak, asawa, tatay at kapatid kung isa sa kanila ay kandidato na sa Senado, Congressman, Governor, Mayor, Vice Mayor at iba pang local position.
Taliwas ito sa panukala nina Tinio at Co kung saan hanggang fourth degrees of consanguinity o hanggang sa kaapu-apuhan ang hindi puwedeng tumakbo nang sabay-sabay sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno.
Sa katunayan sa pagpasok ngayon sa 20th Congress ng Senado ay nakontrol na rin ito ng iilang pamilya, kung saan ay makikita ang mga magkakapatid na nahalal.
Bukod sa nakapwesto na sila sa Senado ay mayroon pa silang mga kamag-anak na nakapwesto naman sa mababang posisyon.
Kaya sinasabing maliit ang tsansa na maisabatas ang anti-dynasty bill ay dahil alam naman natin na kapag laban sa mga mambabatas ang panukalang batas ay malabong maaprubahan ito.
Paano nga naman nila gagawing batas ang panukala kung laban naman ito sa kanila?
Ang pagkakaalam natin ay may mga nauna nang nagpanukala ng anti-dynasty bill subalit hindi rin naging batas, kaya ang ginawa ni Cong. Flores ay nananawagan ng suporta sa taumbayan.
Malaki ang magagawa ng taumbayan para magtagumpay ang panukalang batas na ito dahil sa kanila nakasalalay na hindi manalo ang mga magkakamag-anak sa tuwing magsasagawa ng eleksyon.
Nagiging negosyo na kasi ng mga magkakamag-anak ang pagpasok sa iba’t ibang posisyon sa pulitika.
oOo
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text o tumawag sa cell# 0917-861-0106.
