PUNA ni JOEL O. AMONGO
NAHAHARAP sa kasong pagnanakaw sina Rolan Espiritu Domingo, nasa hustong gulang, driver; Paul Ian Domingo, nasa hustong gulang, pahinante/helper, pawang mga residente ng Salacot, San Miguel, Bulacan; walong John Does at isang Jane Doe matapos sampahan ng reklamo ng kinatawan ng kumpanyang Karga Express Intelligence System Inc. ng Qualified Theft sa National Prosecutor Service, Office of the City Prosecutor, Muntinlupa City kamakailan.
Batay sa sinumpaang salaysay ni Marilou Baldoza Diolala, 27-anyos, dalaga, nakatira sa Caloocan City, Operation Account Manager ng Karga Express Intelligence System Inc., bilang kinatawan ng kumpanya ay nagsampa siya ng reklamong pagnanakaw laban kina Rolan Espiritu Domingo, driver; Paul Ian Domingo, pahinante/helper at siyam iba pa.
Noong ika-12 ng Hunyo, 2025, nakatanggap ng tawag si Diolala mula kay Carlo Tangente, Operation Head Manager ng Karga Express, na ayon sa kanya ay itinawag sa kanya ng kanilang kliyente na walang dumating na goods na dapat ma-deliver sa kanya sa Sucat, Paranaque City sa araw ng Hunyo 11, 2025.
Dahil sa impormasyon ay agad na nagpunta si Diolala sa garahe ng truck ng Citi Movers Trucking/FC Scrap Trading and Trucking Services na dapat mag-deliver ng mga produkto at nalaman niya na ayon kay Excel Gesite, ay inabandona ng kanilang driver na si Rolan Espiritu Domingo at pahinante/helper si Paul Ian Domingo ang truck nilang 10 wheeler wing van na may plate number AAR-1680 sa Pampanga noong ika-12 ng Hunyo, 2025, at ang nasabing truck ay nasa pangangalaga nina Rolan, Paul Ian at isa pang pahinante na si Richard Cariaga, Jr.
Ayon kay Diolala, sinabi pa sa kanya ni Gesite, CEO ng Citi Movers Trucking, hindi na makontak at hindi pumasok sa trabaho sina Rolan at Paul Ian pagkatapos makuha nila noong ika-11 ng Hunyo ang mga kargamento sa URC Pampanga, at dumiretso sila sa Muntinlupa City at doon ay may apat na sasakyan na pinaglipatan ng dala nilang produkto na isang (1) 4 wheeler close van truck na may tatak na Lalamove, at tatlong (3) six wheeler close van.
Ayon pa kay Richard Cariaga Jr., pagkatapos malipat ang mga kargamento, ilang minuto ay umalis sila kasama ang dalawa na sina Rolan at Paul Ian at dumiretso sa Balintawak kung saan doon ay ibinaba siya, upang dalhin ang mga dala nilang mga papeles at ibalik sa Citi Movers Trucking.
Dagdag pa ni Cariaga Jr., isang beses pa lamang niya nakasama sina Rolan at Paul Ian sa biyahe.
Si Richard Cariaga, na kasama ring pahinante sa nasabing truck ay nagbigay na rin ng salaysay na may kinalaman sa buong pangyayari.
Ayon kay Diolala ang kabuuang halaga ng mga produktong hindi nai-deliver ay P1,044,280.47.
Payong kapatid sa mga nagtatrabaho sa mga kumpanya, maging tapat lang kayo sa inyong mga pinaglilingkuran, may awa ang Panginoon, may panahon din kayo, sakripisyo lang.
Hindi ganun kadali magpalaki ng negosyo, ika nga nila, dugo at pawis ang kanilang ipinuhunan bago sila makapagsimula ng negosyo.
Baliktarin man natin ang pangyayari, kung kayong driver at pahinante ang ginawan ng ganyang kalokohan, hindi rin kayo papayag na gawin sa inyo ‘yan.
Hindi biro ang mahigit isang milyong piso na mawawala sa inyo sa isang biyahe lang.
Kaya tama lang na sampahan kayo ng kaso upang malaman n’yo at hindi niyo na ulitin pa sa ibang kumpanya ang inyong mga kalokohan.
Sa hirap ng buhay ngayon, tapos may kaso pa kayo. Saan ngayon pupulutin ang inyong mga pamilya?
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
