IPINAG-UTOS ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang imbestigasyon sa nangyaring pagsabog sa loob ng gun manufacturing company sa Barangay Fortune, Marikina City noong Lunes na kumitil ng buhay ng dalawang manggagawa at ikinasugat ng iba pa.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, partikular na inatasan ang DOLE-NCR na mag-imbestiga upang makapagbigay ng tulong sa mga manggagawa at para makabuo ng rekomendasyon upang matugunan ang sitwasyon at maiwasan ang katulad na pangyayari na maaaring maglagay sa panganib sa kaligtasan ng mga manggagawa.
Sinabi ni Laguesma, ipatutupad ang Work Stoppage Order laban sa pasilidad depende sa resulta ng imbestigasyon.
Binigyang-diin ni Laguesma na kalusugan at kaligtasan ng lahat ng mga manggagawa ang una at pangunahing seryosong alalahanin ng DOLE partikular sa mga kumpanya kung saan mataas ang mga panganib sa buhay ng mga manggagawa.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Marikina City Police, nalaman na ang kahon na naglalaman ng primer ay biglang sumabog sa loob ng factory.
(JOCELYN DOMENDEN)
