MAPANGANIB NA EKSPERIMENTO PARA SA PCO

PUNA ni JOEL O. AMONGO

HINDI pa rin nawawala ang haka-haka na posible pa ring magkaroon ng kinatawan sa Palasyo ng Malacañang, partikular sa Presidential Communications Office (PCO), ang tobacco industry sa katauhan ni Dave Gomez.

Ayon sa bulong mula sa Malacañang, mukha na namang mapanganib na eksperimento ang isinasalang, sa katauhan ni Gomez na umano’y tahimik na isinasailalim ngayon sa pagsusuri para sa posibleng pagtatalaga sa PCO.

Ang pabago-bagong mundo ng pampulitikang komunikasyon, walang ibang paraan ang Palasyo kundi sumugal kay Gomez.

Ayon sa mga mapagkakatiwalaang impormasyon, naimbitahan at na-screen na si Gomez noong nakaraang linggo, ngunit wala pang opisyal na pahayag kung siya ay pumasa sa masusing pagsisiyasat ng mga nasa kapangyarihan.

Gayunpaman, napaaga na ang mga reaksyon lalo na mula sa health advocates na nababahala sa posibilidad na magkaroon ng direktang kinatawan ng tobacco lobby sa loob mismo ng Palasyo.

At sino ba ang hindi mangingimi? Ang mahabang karera ni Gomez sa isang higanteng kumpanyang kilalang-kilala sa agresibong lobbying, ay may dalang pangambang hindi basta-bastang mababalewala.

Sa panahong puno ng krisis sa kalusugan at maling impormasyon, tila hindi angkop at delikado pa nga na ang isang tauhang may malapit na koneksyon sa industriya ng sigarilyo, ang italaga sa isang sensitibong posisyon ng komunikasyon.

Ang kanyang karanasan, sa halip na maging lakas, ay maaaring maging kahinaan pa ito.

Lalo pang tumitindi ang agam-agam sa gitna ng bulungan mula sa loob mismo ng kumpanyang kanyang iniwan.

Ayon sa ilang dati at kasalukuyang opisyal ng Philip Morris, hindi umano nila lubos na kinikilala ang kakayahan ni Gomez, at binanggit pa ang kultura ng kumpanya na “magparetiro” ng mga empleyadong hindi na nila nakikitang kapaki-pakinabang.

Isang simpleng tanong ang lumulutang: Bakit nga ba “ni-retire” kung tunay siyang asset?

Ang desisyong ito ni Gomez, kung itutuloy nga niya ang hamon, ay maaaring maging pinakamahalaga sa kanyang karera.

Kakayanin ba niyang harapin ang unos sa gitna ng mga isyu at batikos na kinahaharap ng administrasyon?

O baka naman isa lang siyang magiging dagdag-pasanin sa isang ahensya na patuloy nang kinakapos sa kredibilidad?

Kaawaan nawa siya ng Diyos. At higit sa lahat, kaawaan din tayong lahat dahil masyadong mataas ang nakataya sa PCO para basta ibigay sa isang taong maaaring hindi handa sa init ng tunay na serbisyo publiko.

Mahirap ang trabaho na tagasalag ng mga batikos lalo na ngayon na kaliwa’t kanan ang mga pumupuna sa administrasyon.

Kung ako ang tatanungin mas gusto ko pa sa pribadong kumpanya na lang kaysa gobyerno na ang dami ng mga matang nakatingin.

                                                                                                                                  oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

148

Related posts

Leave a Comment