HINDI UMAASAL BILANG EX-CABINET SI HARRY ROQUE

DPA ni BERNARD TAGUINOD

IBINABABA ni Harry Roque ang kanyang sarili bilang dating Gabinete ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kanyang inaasal at pagiging madada kaya imbes na igalang siya ay pambababoy sa kanyang pagkatao ang napapala niya.

Binabalikan ko ang mga dating miyembro ng Gabinete mula noong panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos hanggang kay Mang Rody at wala akong maalala na mga ex-Cabinet na umaasal tulad ng inaasal ni Roque ngayon.

Pagkatapos ng kanilang ‘maliligayang’ araw sa kapangyarihan, tumahimik sila at may ilan ang nagbibigay ng kanilang opinyon, pinupuna ang polisiya ng gobyerno at nagbibigay ng payo at kung may ipinaglalaban ay hindi para sa sarili at isang tao lang kundi para sa bayan.

Halos lahat ng ex-Cabinet ay lumagay na sa tahimik ika nga at hindi na sila nangingialam sa pagpapatakbo ng gobyerno na minsan nilang minaneho, na ayon sa ilan kong nakausap ay pagbibigay kortesiya ‘yun sa pumalit sa kanila.

Pero itong si Harry, kakaiba. Hindi umaakto bilang dating Secretary kaya binababoy siya ng mga Pilipino, hindi iginagalang at malabong maibalik ang paggalang na ‘yan kahit makabalik siya sa kapangyarihan kung hindi niya ayusin ang sarilI.

Saan ka nakakita ng ex-Cabinet member na kumekembot habang kumakanta ng bangag-bangag, ngiwi-ngiwi? O kaya nagmamartsa tulad ng martsa ng mga Kadete na apat lang sila? Si Harry lang, kaya nakakaawa tuloy siya at abogado pa man din.

Kahit sa ibang bansa tulad ng Amerika, South Korea at maging sa Singapore na kahit nakasuhan, wala kang makikitang ex-Cabinet na nag-aasal tulad ng pag-aasal ni Harry kaya siya mismo ang sumisira sa kanyang sarili.

Marami ang nagpapalagay na hindi pagiging Duterte supporter kung bakit nagkaganyan ang dating iginagalang na human rights lawyer kundi personal na dahilan dahil sa kinasasangkutang kaso sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) at sumasakay lang siya mga Duterte para magkaroon siya ng audience at palabasin na siya ay pino-prosecute ng gobyerno.

Mismong si dating Presidential counsel Atty. Salvador Panelo ang nagsabi na hindi biktima ng political persecution si Roque kaya hinamon niya ito na bumalik na sa bansa at harapin ang kanyang kaso.

Si Roque mismo ang gumawa ng kanyang problema at dapat niyang harapin kung talagang walang ebidensya laban sa kanya at huwag niyang gamitin ang mga Duterte dahil kahit si Panelo na kasama niya sa nakaraang administrasyon ay nagsabi na hindi siya politically persecuted.

Alam kong apektado na si Mang Harry sa kanyang problema kaya stress na stress na ang dating niya kapag siya ay nagba-vlog at hindi niya maitatago ang epekto nito sa kanyang pangangatawan.

Kung umasta lang sana si Harry bilang dating Cabinet member at binigyan ng dignidad ang dating posisyon tulad ginawa ng mga nauna sa kanya baka iba ang kuwento ngayon pero sa inaasal niya, lalong walang gumagalang sa kanya at siya mismo ang sumisira sa kanyang sarili at reputasyon.

69

Related posts

Leave a Comment