LABING-ISANG dating kasapi ng lokal na teroristang grupo ang nagbalik-loob sa pamahalaan at isinuko ang kanilang mga armas sa 90th Infantry (Bigkis-Lahi) Battalion ng Philippine Army noong Miyerkoles.
Ayon kay Lt. Col. Loqui O. Marco, commanding officer ng 90IB, boluntaryong humarap sa pamahalaan ang mga dating rebelde matapos mapagtanto na wala nang patutunguhan ang marahas na pakikibaka.
Isinuko rin nila ang mga kagamitang pandigma bilang patunay ng kanilang tapat na pagbabalik-loob.
Kasama ng kanilang pagbabalik-loob ay ang pagsuko ng matataas na uri ng kagamitang pandigma kabilang ang isang M653 rifle, isang M203 grenade launcher, isang M16 rifle, isang Cal. 50 Barrett sniper rifle, isang 7.62mm sniper rifle, isang M1 Carbine, isang 7.62mm single-shot muzzle, dalawang M79 grenade launcher, dalawang M1 Garand rifles, at isang 9mm Uzi.
Anila, ang walang patid na military operations, kahirapan, gutom, at ang panawagan ng kanilang mga pamilya at mga lokal na opisyal ang nagtulak sa kanila upang isuko ang armas at magbagong-buhay.
Sa isang simpleng seremonya sa kampo ng 90IB, iprinisinta ni Lt. Col. Marco ang mga nagsisuko kay Brigadier General Edgar L. Catu, commander ng 601st Infantry (Unifier) Brigade.
Bilang suporta sa kanilang pagbabalik-loob, pinagkalooban sila ng cash assistance, groceries, bigas, mais na pananim mula sa iba’t ibang ahensya at mga LGU sa ilalim ng BARMM at iba pang peace advocacy partners.
(JESSE RUIZ)
