TRUST RATING NI MARCOS: 19%

BAGAMAN nagkaroon ng bahagyang pag-angat, 19% lang ang lumitaw na trust rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon sa resulta ng PAHAYAG Q2-2025 nationwide survey ng PUBLiCUS Asia Inc.

Mas mataas ito sa 14% rating ng Pangulo noong unang quarter ng taon.

Maging si Vice President Sara Duterte ay bumaba sa 36% mula sa 42% ang approval rating habang ang trust ay naging 33% mula sa 35%.

Naitala ang pagbaba sa sa Northern/Central Luzon at Mindanao.

Samantala, ipagpapatuloy ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagtatrabaho nang mabuti para sa progreso at pag-unlad ng bansa.

Ito’y sa kabila ng resulta sa survey hinggil sa kanyang ‘performance at trustworthiness.’

Nang hingan ng reaksyon si Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa bagay na ito, sinabi niya na tanggap ng Malakanyang ang poll results bilang “good news” subalit binigyang diin ang determinasyon ni Pangulong Marcos na magtrabaho para sa bansa ay hindi nasusukat sa bilang.

“Katulad po nang sinabi natin, hindi po tayo dapat nagre-rely lamang sa mga survey. Bakit? Dahil ang nais lamang po ng Pangulo ay magtrabaho. Hindi po siya maaapektuhan ng anumang survey,” ang pahayag ni Castro.

“So, maganda po kung tumaas, kung bumaba eh syempre hindi maganda. Pero still hindi po siya maapektuhan ng anomang numero patungkol sa survey dahil trabaho lang po ang nais ng Pangulo para sa bansa at para sa taumbayan,” ayon kay Castro.

Iginagalang din ng Malacañang ang sentimyento ng publiko patungkol sa impeachment trial laban kay Duterte.

Kasunod ito ng resulta ng SWS survey nitong Hunyo, kung saan nakasaad na 42% ng mga Pilipino ay hindi sang-ayon sa impeachment laban sa Pangalawang Pangulo.

(CHRISTIAN DALE)

63

Related posts

Leave a Comment