PUNA ni JOEL O. AMONGO
SIMULA’T simula, malinaw ang mensahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., pagkakaisa. Iyan ang kanyang kampanya, iyan ang paulit-ulit niyang sinasabi sa talumpati, at iyan ang inaasahan ng taumbayan sa lahat ng mga nasa gobyerno, lalo na sa mga pinuno ng Kongreso.
Pero tila me sumasabotahe sa magandang layunin na ito ng Pangulo.
Habang abala ang ating Presidente sa pagpapatatag ng ekonomiya, pakikipag-ugnayan sa ibang bansa, at pagtataguyod ng mga proyektong pangkaunlaran, isang pangalan ang paulit-ulit na nasasangkot sa intriga, pamumulitika, at kaguluhan sa mismong Kongreso.
Sa halip na suportahan ang mensaheng pagkakaisa ng administrasyon, tila ginawa ni Speaker Martin Romualdez bilang personal na entablado ang Kongreso.
Ginamit ang “open budget” hindi para sa tunay na transparency, kundi para sa pamumudmod ng pondo sa mga kaalyado at pagpapalakas ng sariling puwesto.
Ang masaklap, siya rin ang tinitingnang may pakana sa impeachment drama laban kay VP Sara Duterte.
Sablay ang galawan na ito dahil lalo lang nagpasabog ng tensyon ang impeachment sa pagitan ng mga institusyon ng pamahalaan.
Kung mapapansin ninyo, wala namang malinaw na mandato mula sa Pangulo para itulak ang impeachment.
Paulit-ulit pa nga niyang sinasabi na ayaw niya rito, hindi ba? Sabi ng Pangulo, marami pang dapat atupagin ang gobyerno kaysa riyan.
Pero bakit itinuloy pa rin ni Speaker? Sinusuway ba niya talaga ang utos ng Pangulo? At bakit paulit-ulit niya itong ginagawa?
Tingnan niyo ang mga kontrobersiya na kinasasangkutan ng Kongreso sa ilalim ni Romualdez.
Andyan ang transactional ChaCha, mga insertion sa budget na sinasabing pinaka-corrupt, at mga balitang pinapaboran ang mga kaalyado sa mga proyekto na may malaking budget.
Sa totoo lang, mukhang mas interesadong tumakbo sa mas mataas na posisyon itong si Speaker kaysa tumutok sa trabaho niya ngayon.
Imbes na pagkakaisa, naging pagkakawatak-watak. Imbes na maipagmalaki ang Kongreso, naging “House of Crocs” sa mata ng publiko.
Hindi ito simpleng intriga. Parang sinasadya nang magsabotahe ng mga plano ng Pangulo si Speaker.
At kung hindi ito mapipigilan, baka hindi lang unity ang masira, kundi ang buong kredibilidad ng administrasyon.
Dapat ata e may bumulong na sa Pangulo kung karapat-dapat pa ba si Romualdez na kaalyado sa natitirang panahon ng kanyang administrasyon.
Sa katunayan, minsan ay nagsalita si Senator Imee Marcos na hindi na Marcos ang gobyerno ngayon kundi Romualdez-Araneta.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com
