ISASAGAWA na ng Commission on Elections (Comelec) ang pilot testing ng ‘Register Anytime, Anywhere’ program nito sa National Capital Region (NCR) kapag natuloy ang voters registration sa susunod na buwan.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, asahan ang pagsasagawa ng voters registration sa piling hospitals, call centers, transport terminals, airports at iba pang public places. Mayroon din aniyang registration kahit sa gabi.
Aniya, kapag mayroon nang mas mahabang panahon ng voters registration, maaari nang gamitin ang programang ito sa buong bansa.
Kahit na ang nationwide voter registration period ay mula Agosto 1 hanggang 10, ang pilot testing sa NCR ay isasagawa lamang hanggang Agosto 7.
Ang 10 araw na nationwide voter registration sa susunod na buwan ay inaprubahan ng Comelec en banc. Kaugnay ito sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections na itinakda sa Disyembre 1.
(JOCELYN DOMENDEN)
