MANHUNT TULOY KAY DUMLAO

IBINASURA ng Ikalawang Dibisyon ng Korte Suprema ang mga legal na hakbang na isinampa ng dating opisyal ng pulisya na si Rafael Dumlao III, ang pangunahing suspek sa pagdukot at pagpatay noong 2016 sa negosyanteng Koreano na si Jee Ick-Joo sa loob ng Camp Crame.

Sa kanilang resolusyon noong Hunyo 30, 2025, tinanggihan ng Korte Suprema ang petisyon ni Dumlao para sa injunction at Temporary Restraining Order (TRO) sa G.R. No. 275729, dahil sa hindi pagpapakita ng grave abuse of discretion.

Tinanggihan din ng Korte ang petisyon para sa review on certiorari sa G.R. No. 277013 dahil sa kakulangan ng sapat na dahilan para sa karagdagang pagsusuri.

Si Dumlao na patuloy sa kanyang pagtatago ay hinahanap ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group at ng Armed Forces of the Philippines, na may suporta mula sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

May alok na ₱1 milyon na gantimpala para sa maaasahang impormasyon na makatutulong sa kanyang pagkakaaresto.

Ang pagsisikap na ito ay bahagi ng pangako ng pamahalaan na tiyakin ang pananagutan, palakasin ang ugnayan sa Korean Embassy, at higit pang maipakita na ang sistema ng hustisya ng bansa ay patuloy na gumagana at ipinagtatanggol ang batas.

Ayon kay PAOCC Undersecretary Gilberto DC Cruz, “ayon sa direktiba ng administrasyon, ginagawa nilang lahat ang makakaya upang matagpuan at maaresto si Rafael Dumlao. Bahagi ito ng kanilang pangako sa pamilya ng biktima, sa mga kasosyo sa Korean Embassy, at sa pagtatanggol sa integridad ng sistema ng hustisya.”

(JULIET PACOT)

111

Related posts

Leave a Comment