ARESTADO sa inilatag na “Oplan Pagtugis” ng Raxabago Police Station 1 ng Manila Police District, ang isang komadrona na suspek sa pagkamatay ng 10-anyos na batang lalaking tinuli nito sa Tondo, Manila.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Ronald De Leon, station commander, ang suspek na si alyas “Teresita”, nadakip dakong 11:30 ng umaga nitong Linggo sa Paulino Street, Barangay 146, Tondo.
Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Joel Lucasan, ng Regional Trial Court, Branch 27 ng City of Manila.
Nahaharap ang suspek sa kasong reckless imprudence resulting in homicide at illegal practice of medicine.
Magugunitang matapos umanong tuliin ng suspek ang biktima ay hindi na ito nagising noong Mayo 2025. Pinaniniwalaang hindi nakayanan ng biktima ang epekto ng anesthesia.
(RENE CRISOSTOMO)
