QUEZON – Sugatan ang isang 35-anyos na babae nang bugbugin ng isang hinihinalang holdaper sa kanyang tindahan sa Caliya Subdivision, Brgy. Masin Norte, sa bayan ng Candelaria sa lalawigan noong Huwebes ng gabi.
Ayon sa ulat ng pulisya at base sa kuha ng CCTV, bandang alas-9:10 nang dumating ang suspek na nakasuot ng facemask, sumbrero at itim na hoodie, sa tindahan ng biktimang si Maureen Comia.
Matapos magtanong-tanong at mamili ng ilang gamit, naghinala si Comia na may masamang binabalak ang suspek kaya ikinandado nito ang bintana at pinto ng tindahan.
Ngunit biglang itinutok ng suspek ang baril at akmang papasok sa bintana. Dahil dito, binuksan ng biktima ang pinto at tatakbo sana itong palabas na sinamantala ng suspek at sapilitang pumasok sa tindahan.
Sa kabila ng takot, nanlaban ang biktima kaya pinagbabalya ito ng suspek na nagdulot ng sugat sa kanyang ulo.
Mabilis na tumakas ang suspek nang makitang paparating ang mga security guard ng subdivision na nakapansin sa kaguluhan.
Dinala si Comia sa Peter and Paul Medical Center at nilapatan ng lunas habang patuloy ang imbestigasyon at manhunt operation ng Candelaria PNP laban sa suspek. (NILOU DEL CARMEN)
109
