TARGET ni KA REX CAYANONG
TAMA ang punto ni 4K Party-list Congw. Iris Montes na ang bawat araw na nade-delay ang pondo para sa PhilHealth ay katumbas ng pagkaantala sa serbisyong pangkalusugan para sa mga Pilipino.
Ang pondo mula sa PCSO ay hindi lamang basta pera, ito ay buhay at pag-asa ng mga nangangailangan ng agarang gamutan.
Ayon sa batas, malinaw na 40% ng Charity Fund ng PCSO ay dapat ilipat sa PhilHealth kada quarter.
Subalit hanggang ngayon, hindi pa rin naipadadala ang para sa ikaapat na quarter ng 2024.
Aba’y ang simpleng pagkaantala raw ay nagiging hadlang upang mapalawak at mapabuti ang mga benepisyo ng PhilHealth para sa lahat.
Hindi aniya dapat malimutan ang diwa ng Universal Health Care Act na ang bawat Pilipino, mayaman o mahirap, ay dapat magkaroon ng pantay at abot-kayang access sa serbisyong pangkalusugan.
Kung nahuhuli ang pondo, naaapektuhan hindi lang ang operasyon ng PhilHealth kundi pati ang tiwala ng mamamayan sa sistema.
Bukod dito, hindi rin tumitigil si Congw. Montes sa pagsusulong ng mga panukalang makatutulong sa kalusugan ng kababaihan at mga sanggol.
Sa kanyang House Bill 321, layon niyang tiyakin na bawat ina ay may sapat na kaalaman at gabay para sa ligtas na pagbubuntis at panganganak.
Malaking tulong ito upang mabawasan ang kaso ng pagkamatay ng mga ina at bagong silang na sanggol.
Maliwanag na ang adbokasiya ni Congw. Montes ay nakaugat sa pagkalinga sa kalusugan ng bawat Pilipino.
Tunay na ang adhikain ng isang mambabatas ay magiging mabisa lamang kung ang mga ahensya ng pamahalaan ay magiging tapat at maagap sa kanilang tungkulin.
Kaya’t ang panawagan niya, huwag nang ipagpaliban ang remittance ng pondo.
Tama nga naman ang lady solon, sa bawat oras na lumilipas, may Pilipinong nagdurusa at naghihintay ng serbisyong pangkalusugan na dapat sana’y naibigay na.
At sa usaping kalusugan, bawat segundo ay mahalaga.
100 