HINAMON ng isang mambabatas sa Kamara si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na tanungin ang kanyang kapatid kung bakit bumabaha pa rin sa kanilang siyudad sa kabila ng napakalaking pondong nakuha nito noong panahon ng kanilang amang si dating pangulong Rodrigo Duterte.
Sa press conference kahapon, tila hindi nagustuhan ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., ang pasaring ng batang Duterte na PR stunt lamang ang imbestigasyon sa flood control project anomaly.
“Ang suggestion ko kay Mayor Baste, tanungin niya ang kanyang kapatid na Congressman. Magkano ba ang pondong nakuha ni Congressman Polong noong congressman niya noong panahon ng kanyang father,” ani Abante.
Magugunita na nabunyag na nagkaroon ng P51 billion na proyekto si Congressmen Duterte mula 2019 hanggang 2022 kung saan naniniwala si Abante na kasama sa pondong ito ay flood control projects.
Hindi sinasagot ng kampo ni Congressman Duterte ang isyung ito mula nang mabunyag noong nakaraang taon matapos magreklamo dahil binawasan umano ang pondong ibinigay ng Kongreso sa kanya noong nakaraang taon.
Gayunpaman, laging baha umano sa Davao City tulad noong isang araw lamang na nagkaroon ng matinding pagbaha dahil sa walang tigil na ulan kaya dapat aniyang tanungin ni Mayor Duterte ang kanyang kapatid kung bakit bumabaha pa rin sa kanilang siyudad.
“Magkano ang nakuha, ireveal niya kung magkano, kung saan ginamit ang pondong iyan, kung papaano ginamit yan. Kung ilang bilyon ang napuna sa flood control projects at kung bakit malaki pa ang baha sa Davao City. Kinakailangang tanungin nya ang kapatid niya,” litanya ni Abante.
Samantala, sinabi naman ni Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon na magsasagawa ng insite investigation sa Davao City at maging sa ibang lugar sa Davao region para alamin kung naipatupad nang maayos ang flood control projects.
“The idea there, bakit nagbabaha sa Davao City at malaki ang pondong naibigay, ano po ang nangyari sa pondo po na yun. Was it actually implemented well, or you know subjects to the same question that we have today. Was it ghosted project or substandard projects,” ani Ridon na sinabing dapat nasa Davao City si Mayor Baste kapag may kalamidad sa kanyang lugar.
Aalamin din umano sa imbestigasyon kung magkano ang kabuuang natanggap ni Congressman Duterte na flood control projects dahil ang P51 billion ay sa unang termino pa lamang nito.
Polong Pumalag
Hindi naman pinalagpas ni Cong. Duterte ang hamon ni Abante sa kanyang kapatid at sinabi na lahat ng proyekto na ibinigay sa kanyang distrito ay maayos na naimplementa at pawang tapos na.
“If he really wants to know the exact figures, I am directing DPWH District and Regional Offices to provide him the official data and amounts,” ayon sa mambabatas na ngayon ay nasa The Hague, Netherlands kasama ang mga kapatid na sina VP Sara, Mayor Duterte at Kitty.
“Besides, do not mind the floods in Davao, I can guarantee everybody that every peso allocated was implemented. Wala naman nagbabagsakan na mga flood control projects dito, wala din mga ghost projects dito,” ayon sa kongresista.
“Kung may baha man dito, humuhupa din agad hindi kagaya ng mga swimming pool niyo dyan sa lugar ninyo,” dagdag pa ng anak ng dating pangulo na ang tinutukoy ay ang Lungsod ng Maynila kung saan kinatawan si Abante.
(BERNARD TAGUINOD)
75
