PINAMUNUAN ni Sen. Camille A. Villar ang pagdinig ng Senate Finance Subcommittee L para talakayin ang 2026 budget ng Department of Science and Technology (DOST), Philippine Space Agency (PHILSA), at mga attached agencies.
Binigyang-diin ni Villar na ang agham, teknolohiya, at inobasyon ay susi sa pambansang pag-unlad, competitiveness, at pagtugon sa mga hamon ng panahon.
“Binubuksan ng mga sektor na ito ang mga pinto para sa ating kabataan, nagpapalakas sa ating kakayahan sa research, at nagbibigay ng solusyon sa mga hamon sa agrikultura, klima, kalusugan, at disaster preparedness,” ani Villar sa pagdinig noong Setyembre 17.
Partikular niyang tinutukan ang PHILSA, na ayon sa kanya ay may malaking papel sa food security, disaster monitoring, climate adaptation, environmental tracking, national security, at communications.
“Ang tanong: paano maisasalin ang space technology para tulungan ang ating mga magsasaka, mangingisda, at komunidad na pinakaapektado ng natural hazards at climate change?” giit ng senadora.
(DANNY BACOLOD)
