INILATAG ni Tarlac 2nd District Rep. Cristy Angeles ang isang makabuluhang panukalang batas laban sa mga abusadong nagpapautang. Kasama siya sa mga co-author ng House Bill 572, na tinaguriang Loan Interest Limitation and Itemization (LILIIT) Law — batas na layong tapusin ang pang-aabuso sa mga nangungutang.
Sa ilalim ng panukala, mahigpit na ipatutupad ang mga sumusunod: May maximum interest rate para hindi sobra-sobrang singilin ang mga tao, Malinaw na kontrata sa bawat pautang, walang palusot o itinatago.
Bawal kanselahin ang permit o lisensya ng nangutang hangga’t hindi pa tapos magbayad.
Tanggal ang sobrang penalties na nagpapalobo sa utang at nagpapahirap sa tao.
Para kay Cong. Angeles, hindi na dapat gawing negosyo ang kahinaan ng mga ordinaryong Pilipino.
“Ang bawat Pilipino ay nararapat bigyan ng katarungan at proteksyon. Hindi dapat ginagawang negosyo ang pang-aabuso sa kanilang kahinaan. Sa pamamagitan ng LILIIT Law, tiyak na may ginhawa at kalinga na silang maaasahan,” giit ng mambabatas.
Kung maisasabatas, ang LILIIT Law ay inaasahang magsisilbing sandata ng mamamayan laban sa mga mapagsamantala at magbibigay ng bagong pag-asa sa bawat pamilyang Pilipino.
