IDINIIN ng kampo ng gambling icon na si Charlie “Atong” Ang si Julie Dondon Patidongan, alyas Totoy, bilang utak umano ng aregluhan o bentahan ng kaso kaugnay ng pagkawala ng mahigit 100 sabungeros.
Mariing pinabulaanan ni Ang ang mga paratang laban sa kanya sa unang preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) kung saan kasama rin sa mga akusado ang aktres na si Gretchen Barretto at mahigit 60 iba pa.
Ayon kay Atty. Gabriel Villareal, abogado ni Ang, wala umanong kinalaman ang kanyang kliyente sa sinasabing suhulan ng mga kaanak ng nawawalang sabungero. Sa halip, itinuro nito si Patidongan na may malinaw na motibo dahil siya raw mismo ang akusado.
“Kung sino man ang may motibo na mag-areglo, iyon ay si Julie Patidongan. Siya ang may interes na makapiyansa at makalusot bilang state witness,” giit ni Villareal.
Hindi dumalo si Ang sa pagdinig at tanging kanyang mga abogado, kabilang si Atty. Lorna Kapunan, ang humarap. Dumating din ang mga pamilya ng mga biktima na pursigidong ituloy ang kaso sa kabila ng umano’y panunuhol ng mga tauhan ni Ang.
Present din sa PI ang mga akusado, ilang pulis na pinangungunahan ni dating NCRPO Chief Police Col. Jonnel Estomo, at ang whistleblower na si Patidongan kasama ang kapatid nitong si Elakim. Nagsumite na ng counter affidavit ang karamihan.
Pero ang pinakainabangan ay ang pagdating ng tinaguriang “Reyna ng Sabong” na si Gretchen Barretto. Halos 30 minuto itong nagmatyag sa loob ng sasakyan bago bumaba, habang nagbabantay ang kanyang bodyguards. Pagpasok sa DOJ, sinalubong ito ng matalim na tingin ng mga kaanak ng mga biktima. Ilan pa nga ay sumigaw ng “Dugo ang kapalit!” na agad pinakalma ng mga security personnel.
Matatandaang Setyembre 9 nang simulan ng DOJ ang pagpapadala ng subpoena kay Ang, Barretto, Estomo, 18 pulis, at higit 60 iba pa para sa kasong multiple murder, kidnapping with serious illegal detention, at iba pang reklamo.
Itinakda ang susunod na preliminary hearing sa Setyembre 29, 2025.
(JULIET PACOT)
