IPINAG-UTOS ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang agarang rebisyon ng travel policies para sa local officials matapos ang kontrobersyal na biyahe ng ilang Manila Sangguniang Kabataan (SK) officers sa Thailand.
Tinuligsa ni Remulla ang ginawang pagpopost ng SK officials sa social media ng kanilang “capacity development” trip na ginastusan umano mula SK funds, pero mas umangat ang mga larawan ng leisure at pasyal kaysa sa tunay na training.
“Maybe it’s time to review the policy to ensure that all travel, if government-funded, is legitimate and serves a specific purpose,” ani Remulla.
Dagdag pa ng kalihim, walang saysay ang mga “training abroad” at higit pang nakadagdag sa inis ng publiko ang walang pakundangang pag-flex ng mga kabataan.
“Bad taste. What surprised me most was the way they openly flaunted their good time, posting about it repeatedly,” giit niya.
Kasama sa isusulong ng DILG ang malinaw na pagtatakda kung anong pondo ang pwedeng gamitin at kung anong klaseng clearance ang kailangan bago aprubahan ang mga ganitong biyahe.
(JESSE RUIZ)
