SAMA-SAMANG ikukulong sa Senate detention facility sina dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara, Pacifico Curlee Discaya, at Engr. Jaypee Mendoza matapos silang ma-cite in contempt ng Senate Blue Ribbon Committee dahil sa pagsisinungaling, pag-iwas, at pagtatago ng impormasyon sa imbestigasyon ng maanomalyang flood control projects.
Una nang nasabit si Discaya matapos sabihin na hindi nakadalo ang kanyang asawang si Sarah sa pagdinig dahil may sakit sa puso. Pero sumabog ang galit ng mga senador nang lumabas sa mismong sulat ni Sarah na ang tunay na dahilan ay may meeting siya sa mga empleyado.
“Niloloko n’yo ang Senado! Tahasang kasinungalingan ang ginawa n’yo,” sigaw ng ilang senador bago sabay-sabay bumoto para ikulong si Discaya.
Double talk at dokumentong sumablay
Si Alcantara naman ay paulit-ulit na nagpalusot at nagbigay ng magkakasalungat na sagot tungkol sa bidding at pag-apruba ng mga kontrata. Sa tuwing tatanungin, iba-iba raw ang bersyon niya — dahilan para kwestyunin ang kanyang kredibilidad.
Si Mendoza, na todo-deny sa kanyang partisipasyon, ay nasupalpal nang ilabas ng komite ang mga dokumento kung saan lumabas ang mismong pirma niya sa progress billing at disbursement ng proyekto.
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, malinaw na may pagtatangkang magtago ng ebidensya at gawing katawa-tawa ang imbestigasyon, kaya’t tama lang na makulong ang tatlo.
Subpoena kay Usec Cabral
Hindi rin nakalusot si dating DPWH Undersecretary Ma. Catalina Cabral matapos itong hindi sumipot sa ikaapat na pagdinig. Ayon kay DPWH Sec. Vince Dizon, nagbitiw na raw si Cabral at humiling na huwag na siyang paharapin sa Senado.
Pero kinontra ito ni Sen. Rodante Marcoleta: “Hindi sapat ang resignation para takasan ang pananagutan. May dapat siyang sagutin sa budget insertions na siya mismo ang naglalako.”
Kinatigan ito ni Lacson kaya inaprubahan ang subpoena para pilitin si Cabral na humarap.
Samantala, pinayagan ng komite ang hiling na protective custody kay Sally Santos ng SYMS Trading kapalit ng kanyang buong pagsisiwalat ng nalalaman sa flood control scam.
Bukod pa rito, binigyan din ng legislative immunity si dating DPWH Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez, basta’t wala siyang itatago at magiging tapat sa lahat ng detalye laban sa mga kasabwat.
Senate jail, ready na
Ayon sa sekretarya ng Blue Ribbon Committee, agad na ipapasok sa Senate detention room ang tatlo at mananatili roon hanggang sa sila’y makipagtulungan at magsabi ng totoo.
May babala rin ang ilang senador: “Hindi ito one-time lang. Lahat ng magsisinungaling at magtatago ng katotohanan sa flood control scam, diretso Senate jail!”
(DANG SAMSON-GARCIA)
