KASONG administratibo ang isinampa ng National Police Commission o Napolcom, sa dating hepe ng Highway Patrol Group – Special Operations Division (HPG-SOD) dahil sa umano’y pagtanggap ng P7 milyong suhol mula sa isang naarestong suspek.
Kasong grave misconduct at conduct of unbecoming laban kay dating HPG-SOD chief, Police Col. Rommel Estolano ang isinampa ng Inspection Monitoring and Investigation Services o IMIS.
Makaraang sampahan ng IMIS sa Napolcom legal affairs service, magtatalaga ang mga ito ng hearing officer sa kaso na siyang magpapatawag sa respondent.
Sa isinagawang press briefing nitong Huwebes ng umaga, sinabi ni Napolcom Vice Chairman and Executive Officer Atty. Rafael Calinisan, nagkaroon ng operasyon noong Hunyo 13 sa Parañaque City kung saan pinara ng mga tauhan ng PNP-HPG ang isang SUV na minamaneho ng isang negosyanteng si JJ Javier dahil sa traffic violation subalit nadiskubre ng mga ito ang mga baril sa sasakyan ng suspek.
Batay naman sa pahayag ng limang tauhan ng PNP-HPG na siyang sumita sa suspek, binigyan pa umano ng special treatment ni Estolano si Javier habang nasa kustodiya ng mga pulis at tumanggap ng P7 milyong suhol mula sa negosyante para sa kalayaan nito.
Samantala, sinibak naman ni Estolano ang limang tauhan ng PNP-HPG na nakahuli kay Javier dahilan upang humingi ng tulong ang mga ito sa Napolcom.
Ayon naman kay Calinisan, tatapusin nila ang pag-iimbestiga hanggang sa paglabas ng resolusyon sa kaso sa loob ng 60 araw.
(TOTO NABAJA)
