RAPIDO ni PATRICK TULFO
SA wakas nga ay nakulong na sa Senado itong may ari ng kontrobersyal na construction companies na si Pacifico “Curlee” Discaya.
Ito ay matapos irekomenda ni Sen. Erwin Tulfo, na i-cite in contempt nga itong si Discaya dahil sa pagsisinungaling.
Magkakaiba kasi ang sinabi nitong si Discaya sa dahilan kung bakit wala ang kanyang asawa na si Cesarah Discaya. Una ay sinabi nitong may heart condition daw ang kanyang misis, taliwas sa ipinadalang sulat ng asawa niya na may meeting siya na ‘di pwedeng i-cancel.
Nabuwisit sa kanya ang mga senador na tila hindi raw ito nakikipag-usap sa kanyang asawa kung ano ang sasabihing alibi.
Dapat ay isunod na ma-contempt ang kanyang asawa dahil sa mga nakaraang hearing ay marami na rin itong sinabing paiba-iba.
Hindi naman pabor ang inyong lingkod na walang ibabalik na pera ang mga Discaya sa gobyerno, alinsunod sa sinabi ni Sen. Rodante Marcoleta na walang nasusulat sa batas na kailangang ibalik ng mag-asawa, ganoon din ng mga akusado, ang kanilang mga nakamkam na pera mula sa mga nakuhang proyekto sa gobyerno.
Kaya nga may imbestigasyon ay para malaman kung paano nila nakuha ang kanilang yaman. Ano pa ang silbi ng imbestigasyon kung makukulong lang ang mga ito at hindi naman mababawi ang kanilang mga ninakaw.
Walang ipinagkaiba sa karaniwang snatcher na nanguha ng gamit, ‘di niya pwedeng gamitin o angkinin ang kanyang hinablot sa oras na siya ay mahuli, nararapat na ito ay ibalik sa may-ari, ganoon din ang pondong ninakaw sa gobyerno, na malinaw na hindi sa kanila.
