(NI BETH JULIAN)
TINIYAK ni Justice Secretary Menardo Guevarra, OIC ng Philippine government, na hindi makalulusot sa batas ang nasa likod ng pagkakapasok at pagtambak sa bansa ng mga basura ng Canada.
Sinabi ni Guevarra na hindi dahilan na ang pagpapabalik sa Canada ng basura para hindi kasuhan at papanagutin ang mga importer.
Sa ngayon, sinabi ni Guevarra na isa sa mga importer ay subject na ng manhunt operation ng mga awtoridad.
Samantala, tatlong kompanya ng barko na kinontrata ng Canadian government ang naghakot ng mga basurang itinambak sa Pilipinas.
Ayon kay Guevarra, nitong Huwebes ang petsa ng simulang paghakot ng tone toneladang basura ng Canada na itinambak sa Tarlac.
Dadaan ang mga basura sa Chinese Port na nagbigay ng clearance para transhipment patungong Vancouver.
Tiniyak naman ni Guevarra na ang P10 milyong gastos sa paghakot ng basura ay sagot ng Canadian government.
“I have just been informed that the Canadian trash will finally be shipped back to Canada today. The cost of reshipment from Manila to Vancouver, estimated at P10 million, will be shouldered by the Canadian government. The container vans will be loaded on vessels owned by three shipping companies,” pahayag ni Guevarra.
Pero sinabi ni Guevarra na sagot naman ng Pilipinas ang storage fee at iba pang bayarin sa prosesong dadaanan ng pabalik sa Canada ng mga basura.
Huwebes ng hapon nang ibiyahe mula sa Subic Bay papuntang Canada ang mga container na naglalaman ng mga basura.
Ang MV Bavaria ng kompanyang Maersk ang maghahatid sa 69 na container pabalik sa Canada matapos nang ilipat sa Canada ang pagmamay-ari ng naturang basura.
Una nang nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na sasagutin na lamang ng pamahalaan ang gasutsin maibalik lamang agad ang mga basura sa Canada matapos na mabigo ang nasabing bansa sa pangako noong May 15 na hahakutin na ito.
Dahil din sa galit ay nagbanta rin ang Pangulo ng giyera kapag hindi pa binawi ng Canada ang mga basura nito.
Nagalit ang Pangulo dahil taong 2013 hanggang 2014 pa dumating sa bansa at itinambak ang higit 100 container van ng mga basura na idineklarang recyclable plastic materials pero nang inspeksiyunin ay natuklasang mga hospital waste, mga gamit na diaper at iba pang basurang pambahay ang laman ng mga ito.
187