CAINTA, Rizal — Bago pa man sumikat ang araw, sa katahimikan ng Sitio Dagat-Dagatan, maririnig na ang mga yapak sa kahoy, ang lagaslas ng tubig, at ang mahinang bulong ng mga dasal. Hindi ito ordinaryong umaga. Para sa mga magulang at mag-aaral dito, bawat pagtawid sa ilog ay laban — laban para sa kinabukasan, laban para sa pangarap.
Mahigit dalawang dekada nang ganito ang tanawin. Araw-araw, tinatahak ni Cherry Cruz at ng kanyang anak na si Robelyn, estudyante ng Muntingdilaw National High School, ang mapanganib na ruta mula Sitio Dagat-Dagatan, Barangay Sto. Domingo sa Cainta, patungo sa kabilang pampang ng Barangay Muntindilaw, Lungsod ng Antipolo.
“Simula pa noong elementarya, sinasamahan ko na siya,” ani Cherry, habang pinagmamasdan ang ilog na ilang ulit na niyang nilusong. “Takot ako, pero mas takot akong hindi siya makapasok sa eskwela.”
Isang Ilog, Dalawang Mundo
Mula sa tatlong metrong riprap, kailangang bumaba sa hagdang kahoy, tumawid sa malamig na agos, at umakyat muli sa kabilang pampang — isang delikadong paglalakbay na tila karaniwan na lamang sa mga residente.
Dati, may makitid na riprap sa tabi ng Landisco Property sa loob ng Filinvest East Homes na nagsilbing daan. Ngunit nitong nagdaang Setyembre 29, naging viral sa social media ang video ng isang vlogger na nagpakita ng araw-araw na hirap ng mga tumatawid dito.
Dahil dito, ipinag-utos ng barangay ang pagsasara ng daanan simula Oktubre 6, 2025, bilang hakbang sa kaligtasan. Tinanggal din ang munting tulay na kahoy upang maiwasan ang aksidente.
Pagputol ng Pag-asa
Ngunit para sa mga residente, ang pagsasara ng daan ay higit pa sa abala — isa itong dagok sa kabuhayan at edukasyon.
“Mas mahirap ngayon,” ayon sa isang residente. “Kailangan pa naming umikot sa subdibisyon. Malayo, magastos. Paano kung umuulan?”
Sa kabila ng pagbabawal, may ilan pa ring patagong tumatawid. Hindi dahil sa katigasan ng ulo, kundi dahil sa desperasyon. May mga estudyanteng kailangang pumasok, at mga magulang na kailangang magtrabaho. Sa bawat hakbang sa gitna ng ilog, bitbit nila ang pangarap na hindi madadala ng agos.
Ayon sa mga opisyal ng Barangay Muntindilaw, ipinagbawal na rin ang pagtawid lalo na kapag mataas ang tubig. Ngunit para sa mga taga-Sitio Dagat-Dagatan, saan pa sila dadaan?
Panawagan mula sa Pampang
Ngayon, iisa ang panawagan ng mga taga-Sitio Dagat-Dagatan at Muntingdilaw: isang tulay.
Hindi lamang tulay na bakal o semento — kundi tulay ng pag-asa at koneksyon sa pagitan ng dalawang komunidad.
“Hangad namin ang isang tulay,” ani Jorgie Peritos, isa sa mga residente. “Para wala nang batang kailangang magsugal ng buhay para sa edukasyon.”
Sa bawat sakripisyo sa pagtawid sa ilog na iyon ay may mga pangarap na sumasabay sa agos -— mga batang umaasang balang araw, ang tatawirin nila ay hindi na ilog ng panganib, kundi tulay ng pangarap.
102
