PAGDINIG SA FLOOD CONTROL PROJECTS SA SENADO SUSPENDIDO

KINUMPIRMA ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na suspendido muna ang pagdinig kaugnay sa umano’y anomalya sa flood control projects, hanggang hindi pa niya naihaharap sa plenaryo ang binuong partial report.

Sinabi ni Lacson, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na kailangan munang matalakay sa plenaryo ang partial report bago magdesisyong ipagpatuloy ang pagsisiyasat.

Sa pinakahuling impormasyon mula kay Lacson, kabuuang anim na senador na ang lumagda sa report.

Bukod kay Lacson, nakapirma sa report sina Senate President Vicente Tito Sotto III, Senador Erwin Tulfo, Senador Risa Hontiveros, Senador Bam Aquino at Senador Kiko Pangilinan.

Ayon kay Lacson, may dalawa pang senador na miyembro ng mayorya ang naghayag ng kahandaan na lumagda sa report.. pero hindi pa tinukoy kung sino ang mga ito.

Kaugnay nito, iginiit ni Senadora Imee Marcos na hindi siya pipirma sa partial report kung hindi ito kumpleto at masusing naimbestigahan.

Puna ni Marcos na hindi nakasama sa report ang alegasyon ng 18 dating Marines na nagsabing nagdeliber ng male-maletang pera sa ilang personalidad batay sa atas ni dating Cong. Zaldy Co.

Hindi rin anya pinatawag sa pagsisiyasat si dating House Speaker Martin Romualdez at dating Undersecretary Trygve Olaivar upang magbigay linaw sa kanilang pagkakasangkot sa anomalya.

(DANG SAMSON-GARCIA)

90

Related posts

Leave a Comment