HINDI umano hinuhuli ng lokal na kapulisan sa Quezon City ang talamak na illegal numbers game sapagkat sinasabing may basbas ito sa isang mataas na opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sa sulat ng mga nagreklamong sina Renante P. Flores at Guela Paragas ay kanilang isiniwalat ang umano’y malawakan at ilegal na pagpapataya ng Micesa 8 Gaming kahit wala pa umano itong permiso sa City Hall.
Ang sulat-reklamo ng dalawa, na naka-address sa opisina ng PCSO, Malakanyang, DILG at sa opisina ni Mayor Joy Belmonte, ay nagpahayag ng pangamba dahil sa panghikayat umano ng mga tao sa likod ng Micesa 8 Gaming sa kanilang mga anak na gawing bet collectors ng ilegal na sugal na tinawag nilang jueteng dahil walang lisensiya.
“Ang inaalala po namin ay ang kapakanan ng aming mga anak dahil alam naming huhulihin sila ng mga pulis sapagkat walang ipinakikitang permiso itong mga nagpapatakbo ng Micesa 8 Gaming at wala rin silang pruweba na legal ang kanilang operasyon,” pahayag nina Flores at Paragas.
Ayon sa dalawa: “Hindi po kami bago sa larangan ng sugal, lalo na ng STL dito sa Quezon City. Alam namin na kailangan ang permit galing sa PCSO, na dapat ay may mga ID at chaleco o uniform ang mga tauhan ng Micesa 8 Gaming. May mga lehitimong rota at dapat may lehitimong draw court at dapat may totoong mga tauhan ang PCSO na silang nagbobola ng laro.”
Kanilang idinagdag na kailangan din umanong todo-higpit na ipagbawal ang pagpapataya sa kabataan na sinabi nilang hindi nasusunod nitong mga ilegal na kubrador, gaya ng iba pang hindi nasusunod na pagkaroon ng resolution sa Konseho ng lungsod Quezon.
“Bukod dito ay alam rin namin na ang PCSO ay namamahagi ng tulong sa aming mahihirap galing sa mga koleksiyon kung lehitimong STL, ngunit ang ginagawa ng Micesa 8 Gaming ay hindi lehitimo kasi walang perang pantulong sa mahihirap,” hinagpis ng dalawang nagrereklamo.
Inginuso rin nila ang umano’y lugar na pinagkukutaan ng mga nagpapataya ng ilegal na sugal sa Annapolis Street sa Brgy. Rodriguez Sr. at sa Westpoint Street kung saan nag-aayos at nagpapasok ng mga papel-pataya ang nga kubrador.
