Romualdez pilit ginigiba gamit ang isyung nilinaw na ng DA na walang anomalya — Puno

INIHAYAG ni Deputy Speaker at Antipolo City Rep. Ronaldo Puno na mayroon umanong planadong “demolition job” na nagaganap laban kay dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa pagsulpot ng mga isyung dati nang nilinaw
ng Agriculture deparrment na walang iregularidad.

Ayon kay Puno, nakapagtataka ang timing ng mga lumalabas na paratang dahil kasabay ito ng nakatakdang pagharap ni Romualdez sa Independent Commission for Infrastructure inquiry bukas, Oktubre 14.

Giit ng mambabatas, “tila ay sinasadya ang mga alegasyon upang siraan ang dating lider ng Kamara bago pa man siya makapagpaliwanag sa publiko.”

“Malungkot ang timing kasi parang may konting demolition na nangyayari dito,” ani Puno sa isang ambush interview ng mga mamamahayag.

Ipinaliwanag ng kinatawan ng Antipolo na ang mga tinutukoy na proyekto ng farm-to-market road sa Leyte ay maliliit na proyekto lamang na dumaan na sa masusing pagsusuri ng DA at ng Public Works and Highways department.

“Unang-una, these were not very big projects at ito ay nakalusot na sa pagsusuri ng kalihim mismo ng Department of Agriculture,” dagdag pa ni Puno.

Ipinunto rin ni Puno na mismong ang kalihim ng DA ang nagsabi noon na ang mga “ghost” at “substandard” project na natukoy ng ahensya ay wala sa Leyte.

“Kung maalala ninyo, nagbanggit siya (Sec. Laurel) ng mga ghost projects at substandard projects, ngunit wala ni isa doon ang nasa Leyte,” diin ni Puno.

Ayon pa sa deputy speaker, ginagamit lamang umano ang isyu upang ipasa ang sisi at iwasan ng iba ang kanilang tunay na pananagutan.

“There is scapegoating that is going on, nagtuturuan para makatakas sa responsibilidad,” pahayag ni Puno.

Dagdag pa niya, ang naturang isyu ay bahagi ng mas malaking pagtatangka na palitawin na si Romualdez lamang ang may kasalanan sa mga umano’y iregularidad sa imprastruktura, kahit malinaw na wala itong basehan.

“May mga gumagawa ng distractions at nagkakaroon ng lynch-mob mentality laban sa dating Speaker, na sa tingin ko ay sobrang hindi patas,” aniya.

Tinawag din ni Puno na “negative propaganda” ang mga kumakalat na ulat na aniya’y dapat suriin nang mas kritikal ng publiko upang hindi malinlang ng mga haka-haka.

“I think these kinds of demolition and negative propaganda should be evaluated by the public in the right way,” dagdag niya.

Binatikos din ng mambabatas ang paraan ng pag-uulat ng isyu, na aniya’y kulang sa balanseng pagkuha ng panig mula sa mga inaakusahan.

“Kung may ganitong isyu, dapat sana tinanong ang panig ng mga sangkot tulad ng district engineer o provincial agriculturist, pero wala,” sabi ni Puno.

Ipinahayag din niya na kahit nagsumite ng paliwanag ang mga opisyal na responsable sa proyekto, ay huli na dahil kumalat na ang maling impormasyon.

“Ngayong lumabas na ang mga pahayag na nagpapatunay na maayos ang mga proyekto, nasira na ang reputasyon ng mga taong sangkot,” aniya.

Hinimok ni Puno ang publiko na maging maingat sa pagtanggap ng mga balita, lalo na kung ang mga ito ay walang matibay na ebidensya.

“Sana maging maingat tayo sa mga alegasyon at siguraduhing ang ating mga pinaniniwalaan ay batay sa totoong impormasyon,” pagtatapos ni Puno.

81

Related posts

Leave a Comment