GUTUMIN ANG MGA CORRUPT

DPA ni BERNARD TAGUINOD

KAILANGANG gutumin ang corrupt officials kasama ang karamihan sa mga congressman para hindi na nila pangarapin pang tumakbo muli dahil kapag wala na silang mapapala at walang aasahang kita sa pagiging mambabatas ay hindi na sila tatakbo ulit.

Kaya ko sinabi na karamihan dahil marami sa mga miyembro ng Kamara, noon pa man at hanggang ngayon, ang pamilya ay kontraktor at kung hindi man sila direktang kontraktor ay may inaalagaan silang kontraktor na nakakukuha ng kanilang infrastructure projects.

Magugutom ang corrupt officials kapag paigtingin pa ng taumbayan lalo na ang mga kabataan, ang pagbabantay sa infrastructure projects na ginagawa sa kanilang lugar para masiguro na hindi substandard at walang ghost projects.

May ilang kumilos na at ipinatigil na ang reblocking projects sa kanilang lugar tulad sa Bulacan at Tuguegarao City. ‘Yun bang kahit hindi pa sira ang kalsada ay sinisira para gawin ulit. Isa ‘yan sa pinagkakakitaan ng mga congressman, local officials at siyempre ang kontraktor mismo.

Matagal na itong modus ng mga congressman pero dahil hindi pinapansin noon ang reklamo ng mga tao kaya namimihasa sa pangungurakot kaya kabi-kabila ang reblocking projects lalo na kapag malapit na ang eleksyon.

Ang sistema kasi, magpo-propose ang mga district engineer ng reblocking funds sa kanilang nasasakupan na siguradong may basbas ang congressman na nagrekomenda o naglagay sa kanilang sa posisyon.

Kailangang gamitin ng district engineer ang pondong ito bago matapos ang taon dahil kung hindi ay ibabalik ang budget na hindi nagamit sa national treasury, at kapag nangyari ‘yan ay walang kikitain ang mga corrupt.

Kaya kahit hindi pa sira ang isang kalsada, kailangang nilang bakbakin ang kalsadang ‘yan para magamit ang pondo dahil sayang ang kikitain ng mga corrupt na isang kawalanghiyaan ng mga politiko.

Kaming taga-norte ay sakit sa ulo namin ang walang tigil na reblocking project sa Nueva Vizcaya na karaniwang ginagawa sa huling bahagi ng taon at kahit minumura ng mga motorista ang mga kontratista ay wala silang pakialam.

Umaasa kami na ngayong ipinatigil na ni Public Works ang Highway Secretary Vince Dizon ang ganitong uri ng proyekto ay mababawasan ang dusa naming taga-norte sa biyahe sa highway sa kabundukan ng Nueva Vizcaya.

Tiyak na mararamdaman ng corruption officials ang gutom at kapag nagpatuloy ito ay hindi na sila tatakbo ulit sa Kongreso at mapapalitan sila ng mga taong karapat-dapat na gumawa ng batas at hindi magnegosyo ang misyon kapag sila ay nasa kapangyarihan.

Pero kailangan ang tulong ng mga tao. Hindi dapat hanggang sa simula lang ang galit at higit sa lahat, pagdating ng eleksyon ay huwag ibalik sa Kongreso ang mga cong/tratista kapalit ng isa o dalawang libo para sa kanilang boto.

78

Related posts

Leave a Comment