CLICKBAIT ni JO BARLIZO
NGAYONG sinimulan na ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang imbestigasyon sa mga anomalya sa flood control projects, unti-unti nang lumilitaw ang mga pangalan ng malalaking personalidad—mga taong dati’y tila hindi kayang galawin ng batas.
Kasabay nito, lumalalim din ang pag-unawa ng publiko sa kung gaano kalawak at kalalim ang ugat ng katiwaliang matagal nang nagkukubli sa likod ng magagarbong titulo at matataas na posisyon.
Hindi maikakaila na may bigat ang mga pahayag ni Senador Chiz Escudero. Aniya, ang usaping ito ay hindi tungkol sa kanya, kundi sa isang sistemang ginawang negosyo ang pondo ng bayan.
Ang flood control projects, na dapat ay nagliligtas ng buhay at kabuhayan, ay naging larangan ng pansariling interes at pandarambong.
Ang pagkakadagdag ni dating Speaker Martin Romualdez sa immigration lookout list ay isa sa mga senyales na nagbabago ang ihip ng hangin. Dati, ang ganitong mga hakbang ay tila imposibleng mangyari—ngayon, isa-isa nang nababasag ang imaheng “untouchable” ng mga nasa kapangyarihan.
Ngunit ang tunay na tanong: magtatagal ba ang siglang ito ng pananagutan? O ito’y isa lamang panandaliang palabas upang patahimikin ang galit ng taumbayan?
Hindi maikakaila na sa bawat hakbang ng ICI, dumaragdag ang pag-asa na maaaring may pagbangon pa ang ating sistemang legal. Ngunit dapat nating tandaan: ang katarungan ay hindi lamang nakasalalay sa mga imbestigasyon—ito ay sinusukat sa kakayahan ng ating mga institusyon na panindigan ang katotohanan kahit sino pa ang tamaan.
Hindi lamang simpleng imbestigasyon ang ginagawa ng ICI. Binabasag nila ang pader ng impunity at ipinapadala ang isang malinaw na mensahe: walang sasantuhin ang batas.
Ang katotohanan, gaano man ito pilit itago, ay palaging lilitaw. At kapag nangyari iyon, ang mga nabuhay sa kasinungalingan ay haharap sa bigat ng kanilang mga kasalanan—at sa wakas, makakamit ng bayan ang hustisyang matagal nang ipinagkait sa kanila.
82
