PUNA ni JOEL O. AMONGO
UNTI-UNTI nang tinatamaan ng mga kilos-protesta laban sa korupsyon ang tax collection ng bansa.
Kinumpirma ni Finance Secretary Ralph Recto na apektado na ng lumilitaw na katiwalian sa flood control projects ang pagbabayad ng buwis ng taumbayan.
Sa isinagawang pagtalakay sa panukalang budget ng DOF, inamin ni Recto na nararamdaman na ng Bureau of Internal Revenue ang slowdown sa pagbabayad ng buwis bagama’t sa ngayon ay manageable pa.
Ayon naman kay Senate Finance Committee chairman Sherwin Gatchalian, marami sa mga tao ang mag-iisip muna nang matagal bago sila magbayad ng buwis.
“May effect ba on taxpayers payments dahil maraming nadidismaya, maraming rally do you see any slowdown in paying taxes?” tanong Gatchalian.
Narito naman ang sagot ni Recto, “Yes, nararamdaman na ng BIR ‘yan, medyo ang growth rate ng collection nila nababawasan na ng konti but so far manageable ang lahat.”
“Yan ang ayaw nating mangyaring nababawasan ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno and the offshoot there ‘yung iba magwi-withhold ng payments, ‘yung iba baka many times na pag-iisipan bago magbayad,” ayon pa kay Gatchalian.
Sinisi naman ng DOF ang katiwalian kaya mababa ang kita ng bansa sa nakalipas na mga taon.
Ayon pa kay Recto, kung hindi napunta sa korupsyon ang bahagi ng budget sa maanomalyang flood control ay lumago na sana ng 6 percent hanggang 6.2 percent ang ekonomiya ng bansa at mas malaki sana ang koleksyon na kita ng Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs.
Bukod sa flood control projects anomalies ay apektado rin ang kita ng bansa kapag hindi na-target ang GDP growth gayundin ng global challenges na kinahaharap ng maraming bansa tulad ng global economic slowdown.
Kahapon ay nagsimula ang isang linggong protesta ng mga magsasaka at manggagawa laban sa umano’y talamak na katiwalian na bigong masugpo ng administrasyon ni Pangulong Junjun Marcos.
Sinabi ni Cathy Estavillo ng grupong Amihan, magsasagawa ng unang kilos-protesta sa harap ng Department of Agriculture (DA) at Department of Agrarian Reform (DAR) sa Quezon City.
Ito ay pangungunahan ng mga grupo sa ilalim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Anakpawis, at Bayan, at magtatagal hanggang Oktubre 21 — kasabay ng anibersaryo ng paglagda ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa tinaguriang “pekeng land reform law” o Presidential Decree 27.
Samantala, sa Nobyembre 30, 2025 sa Bonifacio Day ay isang malakihang protesta naman ang isasagawa ng iba’t ibang grupo upang ipakita ang galit ng taumbayan laban sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno kasama na ang mga mambabatas.
Kasama na ang panawagan ng pagbibitiw ni Junjun Marcos dahil wala nang tiwala ang taumbayan sa kanyang administrasyon.
Marami rin ang duda sa isinasagawang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) dahil hindi ito bukas sa publiko at lalo pa nang pumutok na posibleng gawing state witness si dating Speaker Martin Romualdez nang dumalaw ito sa nasabing komisyon kamakalawa.
Kung gagawing state witness si Romualdez ay nakikita ng publiko na mapapawalang-sala ito sa katiwalian dahil magtuturo na lamang ito ng ibang personalidad na maaaring panagutin sa maanomalyang flood control projects.
Wala na tayong maaasahan kundi ang paglubog ng bangka na pinamumunuan ni Junjun Marcos.
oOo
Para sa reaksyon at reklamo, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
