PINAKILOS ng Southern Police District (SPD) ang 452 pulis para tumulong sa disaster response sa kasagsagan ng hagupit ng Bagyong “Uwan.”
Ayon kay BGen. Randy Arceo, acting director ng SPD, agad na ipinatupad ang disaster response protocols upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko, magsagawa ng rescue operations, at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa gitna ng matinding ulan at pagbaha.
Sa kabuuan, 265 miyembro ng Reactionary Standby Support Force (RSSF) at 13 Search, Rescue, and Retrieval (SRR) teams na may 187 tauhan ang agad na ipinakalat sa iba’t ibang istasyon at komunidad sa ilalim ng SPD.
Ang mga tauhan ay naka-heightened alert para rumesponde sa mga emergency calls, tumulong sa mga evacuee, at suportahan ang mga lokal na pamahalaan sa operasyon ng relief at rescue.
Sa pamamagitan ng mga hepe ng pulisya sa Muntinlupa, Taguig, Makati, Parañaque, Las Piñas, Pasay, at Pateros, minanmanan ng SPD ang 174 evacuation centers, kung saan 92 ang okupado sa kasagsagan ng bagyo.
Batay sa ulat ng SPD, umabot sa 3,865 pamilya o 15,166 indibidwal ang pansamantalang lumikas dahil sa pagbaha at panganib na dulot ng “Uwan.”
Patuloy ang koordinasyon ng SPD sa mga local disaster offices para tiyaking ligtas, maayos, at maibabalik sa normal ang pamumuhay ng mga residenteng naapektuhan ni “Uwan.”
(CHAI JULIAN)
95 