SINUSPINDE ng Board of Directors ng MICESA 8 Gaming Incorporated ang kanilang corporate secretary matapos madiskubreng gumawa ito ng mga desisyon nang walang pahintulot ng lupon.
Kinilala ang sinuspindeng opisyal na si Krystyna Nicole De Lara Feliciano, corporate secretary ng kompanya na nakabase sa Unit 8K, 20 Lansbergh Place Condominium, 170 Tomas Morato Avenue, Quezon City.
Batay sa Board Resolution No. 2025-02 na may petsang Nobyembre 10, 2025, tinukoy na nakipagpulong umano si Feliciano sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong Nobyembre 9, 2025 nang walang awtorisasyon mula sa Board o paunang abiso rito.
Ayon sa resolusyon, maaaring ituring ang ginawa ni Feliciano bilang “acts beyond authority,” maling representasyon ng korporasyon, at/o hindi awtorisadong pagsisiwalat ng kumpidensyal na impormasyon na posibleng makapinsala sa kompanya.
Dahil dito, inatasan ng Board ang presidente ng kompanya, si Carlos De Guzman Montemayor, na bumuo ng investigating panel na kinabibilangan nina Irene Bigornia Montemayor (Treasurer) at Vernice Guenivir Vargas Mariano (Chief Operating Officer) upang siyasatin ang insidente.
Habang isinasagawa ang imbestigasyon, si Feliciano ay isinailalim sa preventive suspension sa loob ng 30 araw, epektibo kaagad, nang hindi inaalisan ng suweldo o benepisyo. Binigyang-diin ng Board na ito ay isang “precautionary measure” at hindi isang disciplinary action.
Pinagbawalan din si Feliciano na kumatawan sa korporasyon sa anomang pakikipag-ugnayan sa PCSO o ibang pribado o pampublikong ahensya. Inutusan din siyang isauli sa loob ng 20 oras mula sa pagtanggap ng abiso ang lahat ng corporate records, communication files, meeting minutes, notices, at mga device o account na ginagamit sa trabaho.
Mahigpit ding ipinagbawal ang pagtatago, pagtanggal, o pagbabago ng anomang dokumento ng kompanya.
Sa ilalim ng naturang resolusyon, tanging sina Vernice Guenivir Mariano (COO) bilang Primary Representative, at Joel Javate Jalova (Administrative Officer) bilang Alternate Representative, ang awtorisadong makipagtransaksyon sa PCSO sa ngalan ng MICESA 8 Gaming.
Ang Board Resolution No. 2025-02 ay opisyal na inaprubahan at nilagdaan nina Carlos De Guzman Montemayor (Presidente), Irene Bigornia Montemayor (Treasurer), at Vernice Guenivir Mariano (Chief Operating Officer), at in-attest ni Irene Bigornia Montemayor bilang acting Corporate Secretary noong Nobyembre 10, 2025, sa Quezon City.
(JOEL AMONGO)
28
