PANAWAGAN NI CONG. LEANDRO LEVISTE: PATAS NA AYUDA PARA SA 84 BARANGAY SA BATANGAS

TARGET ni KA REX CAYANONG

SA gitna ng isyu ng hindi umano pagkakasama ng 84 barangay sa Batangas sa pamamahagi ng tig-P200,000 ayuda, lumilitaw ang isang mahalagang usapin—ang katarungan at pantay na pagtrato sa bawat komunidad.

Hindi simpleng administratibong pagkukulang ang sinasabi ng mga kapitan, kundi isang malinaw raw na anyo ng diskriminasyon na nararapat lamang siyasatin.

Mariing pinaninindigan ng mga barangay captain na sila ay nakapagsumite ng kumpletong requirements at walang abiso na sila ay hindi dapat dumalo.

Sa kabila nito, tila sila ay hindi inimbitahan, bagay na taliwas sa naunang anunsyo na lahat ng barangay ay makikinabang.

Ang ganitong pangyayari ay nagdudulot ng pagdududa sa proseso at nagbubukas ng tanong kung may halong pulitika ang distribusyon ng ayuda.

Sa puntong ito, kapuri-puri ang hakbang ni Cong. Leandro Leviste kung saan ipinanawagan niya ang imbestigasyon sa Kongreso o Senado.

Ang kanyang panawagan ay hindi lamang para linawin ang nangyari, kundi upang matiyak na hindi na mauulit ang ganitong uri ng sitwasyon kung saan may mga naiiwan at napagkakaitan.

Higit pa rito, ang kanyang agarang aksyon na abonohan muna ang tig-P200,000 para sa mga apektadong barangay ay nagpapakita ng malasakit at konkretong solusyon sa problema.

Aba’y sa halip na hintayin ang mabagal na proseso, pinili niyang tugunan ang pangangailangan ng mga komunidad na umaasa sa naturang ayuda.

Ang kahandaan naman ng 84 barangay captain na humarap sa Kongreso ay patunay na nais nilang mailahad ang katotohanan. Ito ay hindi lamang laban para sa kanilang mga nasasakupan kundi para sa prinsipyo ng patas at tapat na pamamahala.

Masasabing sa huli, ang isyung ito ay higit pa sa pulitika. Ito ay usapin ng tiwala ng mamamayan sa sistema.

Kung tunay ang layunin ng programang “Bawat Barangay Makikinabang,” nararapat lamang na walang maiwan—anomang kulay o panig sa pulitika.

78

Related posts

Leave a Comment