TUKOY na ng Quezon City Police District ang pagkakakilanlan ng riding-in-tandem na suspek sa pagpatay sa negosyanteng si Ceferino ‘Perry’ Mariano at kanyang driver sa Quezon City.
Ayon sa QCPD, narekord sa CCTV ang galaw ng mga suspek na nag-ikot pa sa Scout area bago isinagawa ang krimen, at iniwan pa ang unang motorsiklong ginamit.
Nasawi sa insidente si Mariano, 75, dating pangulo ng Association of Club, Karaoke, Disco Owners and Operators (ACKDO), at ang kanya umanong driver na si Norberto Orimaco, 51.
Lumalabas sa imbestigasyon na nagpalit pa umano ng damit ang mga suspek sa kalsada, naglakad sa Scout Rallos malapit sa Scout Ybardolaza, at kalaunan ay sumakay ng tricycle sa Scout Borromeo upang makaiwas.
Bumuo na ng Special Investigation Task Group ang QCPD na pamumunuan ni District Director Randy Glenn Silvio upang tutukan ang kaso.
Kilala si Mariano sa nightlife industry at tinaguriang “Pinoy Bugsy” dahil sa kanyang papel sa pagtuklas at paghubog ng mga talento sa billiards.
Patuloy pang inaalam ng pulisya ang motibo sa pamamaril.
100 