RAPIDO ni PATRICK TULFO
DAHIL sa dami ng balikbayan boxes na naabandona ng Makati Express Cargo na nasa mahigit isang daang containers, hanggang ngayon ay nagde-deliver pa rin ang L98 cargo, ito ang sinabi ng may-ari mismo ng L98 na si Ms. Leslie Lim sa akin sa aming meeting.
Sa datos na ibinigay ni Ms. Lim, mayroon pa raw mahigit labing-apat na libong mga kahon ng Makati Express Cargo sa Luzon, ang kailangan nilang maihatid sa mga may-ari. At inamin nito na hindi naman kasi marami ang kanilang mga sasakyan para rito.
Dagdag pa nito, tapos na halos ang mga kahon sa Visayas region kung saan may isangdaang kahon na lamang ang natitira. May problema raw sa address ng mga tatanggap at contact numbers ng mga ito kaya hindi maihatid ang natitirang mga kahon.
Sa ngayon ay humihingi ng pang-unawa si Ms. Lim sa mga tatanggap ng mga kahon at maging sa mga nagpadala nito sa pagkaantala ng deliveries.
Itinanggi naman ni Ms. Lim ang isang nag-viral na isyu na ang dahilan daw ng pagkatengga ng deliveries ng mga kahon ay huminto sila nang tumaas ang presyo ng krudo.
Wala raw katotohanan ito at kahit na nagmahal ang presyo ng diesel ay tuloy pa rin sila sa deliveries.
Hindi po pag-aari ng Makati Express Cargo ang L98, bagkus isa ang mga ito sa logistics companies na ka-partner ng Makati Express sa bansa para sa delivery ng mga kahon.
Noong mga unang pagkikita namin ni Ms. Lim, ikinuwento nito sa inyong lingkod ang utang sa kanya ng Makati Express na nasa walong milyong piso.
May utang din ang Makati Express sa Speedstream cargo na nasa milyong piso rin, at isa pang logistics firm sa Mindanao.
Nagkawindang-windang ang operasyon ng Makati Express Cargo matapos mamatay ang may-ari nito na isang Indian national. Hindi raw marunong magpatakbo ng negosyo ang mga anak nito.
93 