Secretary Aguda tinawag na ‘dishonest’ ni Senadora Riza

TINAWAG ni Senadora Risa Hontiveros na ‘dishonest,’ o hindi tapat, si Information and Communications Technology Secretary Henry Aguda sa gitna ng plenary debates ng Senado hinggil sa panukalang badyet ng ahensya para sa taong 2026.

Ang pintas ng Senadora sa hepe ng DICT ay makaraang lumabas ang magkakasalungat umanong paliwanag ng huli tungkol sa proseso ng procurement para sa Bayanihan SIM Project.

Sa pagtatanong ni Hontiveros tungkol sa isinagawang bidding para sa SIM card distribution initiative ng gobyerno ay sinita niya si Aguda kung bakit ang ginamit ng batayan ng DICT ay ang implementing rules ng lumang Gov’t Procurement Act, o Republic Act No. 9184, sa halip na ang bagong Republic Act No. 12009 o ang New Government Procurement Act.

Ayon kay Hontiveros ay sinabi mismo ni Aguda sa kanyang liham sa Pangulo noong Hulyo na ginamit ng DICT ang RA 9184 o ang lumang batas sa procurement sa pagsagawa ng bidding para sa naturang proyekto.

Binigyang-diin ng Senadora na may mas mahigpit umanong requirement ang bagong procurement law pagdating sa direct contracting tulad ng mandatory market scoping kaya’t hindi umano malinaw sa kanya kung bakit lumang batas ang sinunod ng ahensya kahit may bago ng batas para rito.

Ipinaliwanag naman ni Aguda na hindi pa ‘promulgated’ noon ang IRR ng RA 12009 kaya’t napilitan umano ang DICT na sumunod muna sa lumang batas.

Ngunit pinabulaanan ito ni Hontiveros, na sinabing base sa research ng kanyang opisina ay inilabas na ang IRR noong Pebrero pa.

“Their interpretation is wrong. Wala naman sa pagsasabatas na kailangan may tamang forms pa para lang sundin ang batas. And again, with all due respect, therefore their answer to my question earlier was simply dishonest. The IRRs of the new law had been promulgated five months earlier before they wrote the letter,” mariing sabi ni Hontiveros.

Samantala, sumang-ayon naman si Sen. Sherwin Gatchalian sa mga punto ni Hontiveros at hiniling sa DICT na mag-sumite ng position paper para tugunan ang mga naturang discrepancy.

Bagama’t kinilala ni Hontiveros ang magagandang layunin ng Bayanihan SIM Project, iginiit niyang dapat mahigpit na tumalima ang lahat ng procurement processes sa mga nakatakdang batas ng gobyerno.

Ang inisyatiba na pinaglaanan ng pondo na P3 bilyon ay naglalayong magbigay ng SIM cards sa mga estudyante at guro sa malalayong lugar upang mapabuti ang internet access.

Target ng DICT na mamahagi ng 600,000 SIM cards ngayong taon at mahigit isang milyon sa susunod na taon kabilang sa mga pilot areas ay ang Doña Remedios Trinidad sa Bulacan, Masinloc sa Zambales, at General Luna sa Quezon.

Bagaman una umanong nagtulak ang DICT para sa direct contracting sa isang telecommunications company, nauwi rin sa competitive bidding ang supply ng SIM cards.

Nagtapos ang mainit na diskurso sa Senado sa panawagan ng mga mambabatas para sa mas malinaw na paliwanag mula sa DICT upang matiyak na tugma ang implementasyon ng proyekto sa mga requirements ng bagong procurement law.

31

Related posts

Leave a Comment