2ND ROUND NG SUBASTA SA LUXURY VEHICLES NG DISCAYAS ITINAKDA

INIHAYAG ng Bureau of Custom na magkakaroon ng ikalawang round ng public auction para sa mga luxury vehicle na nasamsam mula sa mag-asawang contractor na sina Pacifico at Cezarah Discaya, na inaakusahang sangkot sa multi billion flood control scandal.

Sa inilabas na anunsyo ng BOC, itinakda ang 2nd round ng public auction sa Disyembre 5, sa pamamagitan ng sealed bidding para sa high-end vehicles simula alas-10 ng umaga sa BOC main office sa Port Area, Manila.

Isasailalim sa auction ang tig-iisang unit ng 2022 Toyota Tundra, 2023 Toyota Sequoia, 2023 Rolls-Royce Cullinan at 2022 Bentley Bentayga. Ito ang apat na nalalabing sasakyan ng mag-asawang Discaya na inilit ng BOC at hindi nabenta sa naunang auction.

Itinakda ng BOC ang floor prices ng apat na luxury cars, na pinakamahal ang Rolls-Royce Cullinan na may tag na P36.2 million, sumunod ang Bentley Bentayga na nasa P13.8 million ang floor price, habang ang Toyota Sequoia ay nasa P4.6 million, at ang Toyota Tundra naman ay nasa P3.4 million.

Ipinaalam din ng BOC na bago ang gaganaping public bidding ay muli ring magkakaroon ng public viewing para sa mga qualified bidder sa Disyembre 2 at 3.

Pangangasiwaan ng Auction at Cargo Disposal Division ng Port of Manila ang aktibidad.

Maaaring i-access ng mga interesadong bidder ang link ng customs.gov.ph/notice-of-public-auction-port-of-manila-05-december-2025/ para sa kumpletong detalye ng auction.

Matatandaan na noong Nobyembre 20 ay kumita ang pamahalaan ng P38,211,710 mula sa naibentang tatlong luxury vehicles na nakumpiska rin mula sa mag-asawang Discaya.

Binili ng Simplex Industrial ang 2019 Mercedes-Benz G500 Brabus sa halagang P15,500,000 at 2022 Mercedes-Benz G63 AMG sa P15,611,710; habang nabili ng Lestrell Jewelries ang 2022 Lincoln Navigator sa halagang P7,100,000.

(JESSE RUIZ)

90

Related posts

Leave a Comment