HINAMON ni Manila Rep. Joel Chua, isa sa mga House prosecutor, ang kampo ni Vice President Sara Duterte na iharap si “Mary Grace Piattos” sa nalalapit na impeachment trial upang tuluyan nang malinawan ang kontrobersya sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Naging sentro ng usapin ang pangalang “Mary Grace Piattos” matapos itong lumitaw sa mga acknowledgment receipt na isinumite bilang bahagi ng liquidation ng confidential funds. Gayunman, una nang inihayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) na wala itong nakitang birth record sa ilalim ng naturang pangalan.
Ayon kay Chua, nananatiling kabilang si Piattos sa witness list ng prosekusyon bilang isang material witness.
“Material witness po ‘yan, lalong-lalo na sa confidential funds. So kung lumutang po o hindi siya lumutang, ibig sabihin bogus siya. Kung lumutang naman siya, puwede namin siyang ma-cross examine,” ani Chua.
Ipinaliwanag ng mambabatas na isinama nila si Piattos sa listahan upang makita kung may maglalakas-loob na lumutang at magpakilalang siya ang taong nakapangalan sa mga dokumento.
“Di kwestyunin nila. Eh nandun siya sa isa sa mga nakatanggap ng confidential fund eh. Bakit nila kukwestyunin eh nilagay nila dun, di ba may pangalan siya dun, Mary Grace Piattos? They should produce kasi kung hindi nila mapo-produce ‘yun eh bogus ‘yun,” dagdag niya.
Tinabla rin ni Chua ang pahayag na maaaring code name lamang ang naturang pangalan.
“Eh di ilabas nila ‘yung totoo kung sinuman ‘yun. That is the only way to settle this issue once and for all,” giit ng kongresista.
(TINA MENDOZA)
60 