DPA ni BERNARD TAGUINOD
MARAMI na ang sumusuko at tinanggap na wala na talagang solusyon sa problema sa trapiko sa Metro Manila dahil walang political will ang gobyerno, hindi lamang ngayon kundi sa mga nakaraan administrasyon dahil mas inuuna ng mga lider ng bansa ang kanilang popularidad.
Maraming sinubukang programa para maibsan ang pagsikip ng trapiko sa Metro Manila at may isa pa nga na nagsabi na bigyan n’yo siya ng anim na buwan, reresolbahin niya ang problemang ito pero natapos ang anim na taon niya sa Palasyo eh iniwanan niyang malala ang sitwasyon sa mga kalsada.
Ang daming panukalang batas na inihain sa Kongreso, hindi lamang ngayon kundi sa mga nakaraang Kongreso pa, tulad ng pagbawi sa mga pedestrian lane at mga kalsada mula sa illegal vendors.
May mga panukala rin na hindi puwedeng bumili ng sasakyan ang mga tao kapag wala silang maipakita na may mapararadahan sila sa kanilang bahay pero wala ring nangyari as in hindi rin naipasa.
May mungkahi rin na kontrolin ang car manufacturers na magbenta ng mga sasakyan dahil dumarami ang mga oto pero hindi nadaragdagan ang mga kalsada pero siyempre hindi naipasa dahil baka malakas ang mga nagbebenta ng mga sasakyan.
Kapag dinidisiplina naman ang mga pasaway na mga motorista, may mga congressman lalo na ang mga party-list congressman at senador, ang nagtatanggol sa kanila dahil kawawa raw sila kaya hindi nawawala ang mga abusado sa lansangan dahil may nagtatanggol sa kanila sa kanilang kawalanghiyaan.
Pero kung may political will lang ang pangulo ng bansa at seryoso siyang magkaroon ng disiplina sa lansangan at mabawasan man lang ang masikip na trapiko sa Metro Manila, ay magagawa niya kahit sino pa ang masasagasaan.
Karaniwan kasi na mas inuuna ng pangulo ang kanyang sariling kapakanan kaysa taumbayan na kanyang pinamumunuan. Parang lagi silang takot bumaba ang rating nila kapag may political will sila.
Alam naman natin na laging binabantayan ng pangulo at ng kanyang walang kuwentang mga alipores, ang kanyang trust at performance rating na maaapektuhan kapag ipagbawal ang pagbili ng oto na walang paradahan, bawiin ang mga lansangan sa illegal vendors, kontrolin ang pagbenta ng sasakyan habang hindi pa nagagawa ang mass transit na napakatagal tapusin.
Malamang din na nabubulungan sila ng car manufacturers dahil sila ang apektado kapag ipinasa at ipinatupad ang mga panukalang batas na ito na kesyo hihina ang ekonomiya kapag ginawa ito.
Hindi iniisip ng gobyerno ang epekto ng matinding sikip ng trapiko, hindi lang sa individual economy at stress sa mga motorista, pero dahil mas malakas ang mga negosyanteng bumulong, hinahayaan na lang na lumala ang problema.
Ang dami ring pautot na ginawa ng Metro Manila Development Authority (MMDA) para mabawasan ang sikip ng trapiko pero alam nila mismo sa kanilang sarili na hindi mareresolba ang problemang ito dahil walang political will ang pangulo at maging ang mga nagdaang pangulo, period!
85 