Ang tadhana nga naman kung magbiro ay talagang iindahin mo ano?
Katulad na lamang ni dating Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay Jr. makaraang matalo ng kanyang kapatid na si Abegail Binay-Campos ay may panibagong dagok na namang dumating laban dito.
Ito’y matapos namang katigan ng Court of Appeals ang naging desisyon ng Ombudsman na nagpapataw kay dating Mayor Binay na guilty sa kasong ‘serious dishonesty’, ‘grave misconduct’ and ‘conduct prejudicial to the best interest of the service’ kaugnay sa maanomalyang kontrata o pagtatayo ng Makati Science High School Building na nagkakahalaga ng P1.3 bilyon noong 2007.
Sa decision ng CA sa panulat ni Associate Justice Ronaldo Roberto Martin na kinatigan nina Associate Justices Ramon Bato Jr. at Ramon Cruz, pinagtibay nito ang nakasaad sa kanilang joint decision noong 10 July 2017 at joint order noong December 8, 2017 joint order. Kaugnay ng naging rekomendasyon ng Ombudsman na nagpapataw kay dating Mayor Binay na masibak sa tungkulin at ang perpetual disqualification sa paghawak ng anumang public office.
At kahit pala hindi na inaway pa ni Mayor Binay-Campos ang bunsong kapatid nito na si Junjun ay malabo na pala talagang makapanungkulan ito sa anumang posisyon sa gobyerno dahil sa naging desisyon ng Court of Appeals.
Bagama’t guilty sa kasong kriminal ay ibinasura naman ng CA ang tatlong administrative complaint laban kay Junjun alinsunod na rin ng isinasaad ng condonation doctrine.
Oo nga pala kasama rin sa inalat nitong nakaraang election ay si dating Vice President Jejomar Binay Sr. na tinalo ni Romulo “Kid” Valderama Peña Jr. bilang kongresista ng unang distrito ng Makati City.
KASO NI BIKOY DEDESISYUNAN NA NG DOJ
Dahil sa kabiguan o ikalawang pagkakataon na no show sa preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) kaugnay ng paglabag sa Art. 315 ng Revised Penal Code o kasong estafa si Peter Joemel Advincula alyas ‘Bikoy’ ay idineklara na ni Assistant State Prosecutor Herbert Calvin Abugan na submitted for resolution na ang kaso laban kay Advincula.
Samantala, naghain naman ng kanyang sinumpaang salaysay ang isa pang complainant ng kaso na tumayong direktor ng beauty pageant na si Danrick Gapuz. Kung saan idinidiin nito si Bikoy na s’yang may pakana ng beauty pageant na ginamit ang logo ng Ardeur World Marketing na pag-aari ng negosyanteng si Arevin Valmores na naghain ng reklamong kriminal sa DOJ kay Bikoy. (Pro Hac Vice /BERT MOZO)
