BISTADOR ni RUDY SIM
IKINAGULAT ng mga empleyado ng Bureau of Immigration ang desisyon ni Department of Justice (DOJ) Secretary Boying Remulla na alisin ang Chairman ng BI-Board of Special Inquiry na si Atty. Gilberto Repizo nitong kahapon June 19 sa pamamagitan ng Department Order number 435.
Nag-ugat ang hindi pagkakaintidihan ng dalawang mataas na opisyal ng BBI noong May 2 nang pumasok at nakialam umano si Commissioner Joel Anthony Viado sa meeting ng bids and awards committee patungkol sa higit 2 bilyong pisong E-Gates project ng gobyerno na ilalagay sa mga airport sa bansa.
Sa naturang pagtitipon umano ay laking gulat ng mga opisyales na kasama sa meeting nang biglang nagsisigaw si Viado, nagmura at dinuro ang noo’y chairman ng komite na si deputy commissioner Daniel Laogan na madaliin at isapinal na sa araw na iyon upang mapirmahan ang naturang proyekto para sa isasagawang bidding (kuno).
Ngunit ito ay pinalagan ni Repizo upang kuwestiyunin ang pakikialam ni Viado. Dahil sa naturang kaguluhan ay umani ng batikos kung bakit nakialam itong si Viado at ilang araw matapos ang pangyayari ay nagtungo si Remulla sa NAIA terminal 3 at dito ay nabanggit ni Remulla na mayroong opisyal ng BI ang nakikialam.. Tila baliktad ata Mr. Remulla, hindi ba’t ang bata mo ang nagpumilit na madaliin ang proyekto.. Dahil ano? Mayroon bang koryan sa likod nito na may kickback sa multi billion peso project?
Hanggang ngayong buwang ito ay hindi nakatiis ang maliliit na kawani ng ahensya na lumiham kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. upang iparating ang umano’y talamak na katiwalian sa pamunuan ng kasalukuyang commissioner ng BI. Ngunit halatang idinepensa ni Remulla ang kanyang bulldog este bata na si Viado at sinabing walang ebidensya na magpapatunay na mayroon itong katiwalian kaya halos pumalakpak ang tenga at ngising aso ang opisyal.
Wag natin linlangin SOJ Remulla si PBBM sa totoong nangyayari sa ahensyang iyong nasasakupan. Bakit noong panahon ng dating commissioner Tansingco Sir ay ang ingay mo sa media at binabanatan mo ang BI pero ngayon ay tila abogado ka ni Viado? Hindi ba’t ang DOJ ay Kagawaran ng Katarungan? sana’y maging patas ka Sir lalo sa maliliit na kawani na umaaray na sa pagbagsak ng koleksyon ng ahensya kung kaya’t halos 50% ng kanilang augmentation pay ang nawala.
Dapat nang makialam ang Palasyo ng Malacañang sa power tripping ni Remulla. Ayon sa kasagutan ni Repizo ay kanyang tinututulan ang inilabas na department order ng DOJ dahil ang posisyon niya ay permanent na tanging ang Civil Service Commission ang may karapatan mag-alis at wala sa kapangyarihan mo Boying.
