3 DRUG PERSONALITIES ARESTADO, P114-M DROGA NASAMSAM

TATLONG hinihinalang bigtime drug personalities ang inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Customs at Philippine Drug Enforcement Agency sa isinagawang illegal drug interdiction operation sa NAIA Complex, Pasay City.

Ito’y matapos na makumpiskahan ng Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang tatlo katao ng multi-milyong halaga ng ilegal na droga sa nabanggit na lugar.

Sa ibinahaging report ng tanggapan ni PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez, nasa 16,848 gramo ng methamphetamine hydrochloride o shabu na nagkakahalaga ng P114,566,400.00 ang nasabat ng kanilang mga tauhan, katuwang ang BOC at PNP sa isinagawang interdiction operation sa Pair Pags Center.

Ayon sa PDEA, ang mga ilegal na droga na nakapaloob sa apat na kahon ay agad na-detect ng PDEA K-9 anti-drugs unit na kasama ng NAIA-IADITG na binubuo ng PDEA–Regional Office National Capital Region, BOC-Customs Anti-Illegal Drugs Task Force, PNP-Aviation Security Group, Airport Police Department, PNP PDEG, National Bureau of Investigation, Bureau of Immigration, aT Office for Transportation Security.

Kabilang din sa nakumpiska ang non-drug items tulad ng sling bags, mobile phones, identification cards, at iba pa, kabilang ang cash na nagkakahalaga ng P34,885.00

Samantala, kinilala naman ang mga nahuli sa mga alias na “L.A.”, isang broker representative at residente ng Caloocan City; “F.S.”, isa ring broker representative at residente ng Pasay City; at “E.F.”, isang porter at residente ng Manila City.

Ang mga naaresto ay kasalukuyang nakadetine habang inihahanda ang kasong paglabag sa Section 4 ng Republic Act No. 9165, otherwise known as the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

(JESSE RUIZ)

35

Related posts

Leave a Comment