HINDI pinalagpas ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima ang pagkukumpara ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa kanya at kay dating Sen. Antonio Trillanes IV para hindi disiplinahin si Sen. Ronald Dela Rosa.
“With due respect, SP Sotto should not compare me or Sen. Trillanes with Sen. Bato’s situation,” ani De Lima kahapon matapos sabihin ni Sotto na may mga tulad ni Dela Rosa sa nakaraan ang hindi pumapasok subalit gumagana ang kanilang tanggapan.
Mula noong November 2025 nang isiwalat ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na may arrest warrant na si Dela Rosa mula sa International Criminal Court (ICC) ay hindi na ito pumasok sa kanyang trabaho sa Senado
Tulad ni dating pangulong Rodrigo Duterte na inaresto noong Marso 2025 at hanggang ngayon ay nakakulong sa The Hague, nahaharap din si dela Rosa sa kasong crimes against humanity.
“Our non-attendance in Senate sessions during our incumbency was involuntary. I could not be physically present in the Senate because I was in detention to face the fabricated charges filed against me by the Duterte administration. On the other hand, Sen. Bato is running away from possible arrest by the ICC,” ani De Lima.
Magugunita na sa unang termino ni Trillanes ay hindi nito nagampanan nang personal ang kanyang trabaho dahil nakakulong ito sa kasong rebelyon kaugnay ng pag-aaklas nila laban sa administrasyon ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Sinabi De Lima na kahit nakakulong siya sa Camp Crame ay ginagampanan pa rin niya ang kanyang trabaho bilang senador.
“Nakiusap pa nga ako na mag-participate sa online sessions and hearings ng Senate during pandemic dahil ginagawa naman na ‘yun, pero hindi napagbigyan ng mayorya ng Senado,” himutok pa ng mambabatas.
Banat pa ni de Lima kay Sotto: ‘Wag nyo naman po kaming gamiting excuse sa hindi pagdisiplina sa isang delinkwenteng senador.
(BERNARD TAGUINOD)
29
