CHINESE NASABAT NG QCPD SA PEKENG DRIVER’S LICENSE

ARESTADO ang isang 60-anyos na Chinese national matapos mahuling gumagamit ng pekeng driver’s license habang bumibisita sa isang detenido sa pasilidad ng Quezon City Police District (QCPD).

Kinilala ni PLTCOL Edison Ouano, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), ang suspek na si alyas “Lu,” residente ng Makati City.

Ayon sa QCPD, sa ilalim ng pamumuno ni Acting District Director PCOL Randy Glenn Silvio, naganap ang insidente noong Enero 6, 2026 nang bumisita ang suspek sa CIDU Custodial Facility.

Ipinakita nito ang driver’s license sa duty jailer, subalit napansin ang mga iregularidad sa dokumento kaya agad na hiningi ang beripikasyon mula sa Land Transportation Office (LTO).

Noong Enero 8, 2026, kinumpirma ng LTO East Avenue na ang driver’s license na may pangalang Laixiang Lu at ang nakasaad na license number ay wala sa kanilang database.

Dakong alas-3:55 ng hapon ng araw ding iyon, bumalik ang suspek sa CIDU at ipinakita ang parehong lisensya, dahilan upang agad siyang arestuhin matapos ang kumpirmasyon ng LTO.

Kakasuhan ang suspek ng paglabag sa Article 172 ng Revised Penal Code o Falsification of Public Document at Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code sa Quezon City Prosecutor’s Office.

“Ang insidenteng ito ay paalala na ang paggamit ng pekeng ID ay may kaakibat na parusa. Hinihikayat namin ang publiko na huwag gumamit ng pekeng dokumento, lalo na sa mga opisyal na transaksyon,” babala ni PCOL Silvio.

(PAOLO SANTOS)

29

Related posts

Leave a Comment