Sa pagiging ‘inutil’ sa pagpapabuti ng pangisdaan P1.2-B MANILA BAY REHAB FUND NG DENR PINALAGAN

KINUWESTYON ng militanteng grupo ng mangingisda na Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) ang P1.2 bilyong pondo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa Manila Bay rehabilitation program, sa kabiguang mapabuti ang kalagayan ng pangisdaan.

Ayon sa PAMALAKAYA, nakatanggap ang DENR ng P1.2 bilyon sa 2026 budget para sa Operational Plan ng Manila Bay Coastal Strategy na bahagi ng kautusan ng Korte Suprema noong 2008 para sa rehabilitasyon ng Manila Bay.

Giit ng grupo, mula nang ilunsad ang rehabilitation program noong 2019, walang naramdamang makabuluhang pagbabago ang mga mangingisda sa kalagayan ng Manila Bay.

“Sa halip na gumanda, mas lumala pa ang kondisyon dahil sa mga mapanirang reklamasyon at dredging na mismong DENR ang nagpahintulot,” ayon kay Fernando Hicap, national chairperson ng PAMALAKAYA.

Tinukoy ng grupo ang hindi bababa sa 13 reclamation projects at 10 seabed quarrying activities na may environmental compliance certificates (ECC) mula sa DENR, na sinisisi ng mga mangingisda at environmentalist sa patuloy na pagkasira ng Manila Bay.

“Walang kabuluhan para sa mga mangingisda ang mahigit isang bilyong pondo kung patuloy kaming nagdurusa sa pagkasira ng yamang-dagat,” dagdag ni Hicap, sabay giit na pampulitikang desisyon, hindi malaking pondo, ang kailangan upang ihinto ang mga mapanirang proyekto.

Kabilang sa mga tinukoy na nagpapatuloy pa rin ang City of Pearl Manila (407 ektarya), Navotas City reclamation (650 ektarya), at Pasay Harbour Reclamation project (265 ektarya).

Dagdag pa ng PAMALAKAYA, ang patuloy na dredging ay nagpapahamak din sa Zambales at Ilocos Sur, na pinanggagalingan ng buhangin para sa mga reclamation project sa Manila Bay.

(PAOLO SANTOS)

39

Related posts

Leave a Comment