WALA pang update ang Malakanyang hinggil sa napaulat na planong pagbuwag sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Hinamon ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang mga nagpapakalat ng balita na malapit nang lusawin ang ICI na maglabas ng malinaw at matibay na ebidensya.
“Sa amin po, wala pang update kung idi-dissolve ang ICI. Patuloy ang kanilang imbestigasyon at tuloy-tuloy ang kanilang trabaho,” ani Castro.
Dagdag pa niya, kung may nagsasabi umanong gigibain na ang ICI, nararapat lamang na patunayan ito sa publiko.
“Kung sino man ang nag-aakusa, kung may tamang facts o data, i-prove po nila sa media,” giit ng opisyal.
Inilarawan ni Castro ang ICI bilang isang fact-finding body na malaking tulong sa Ombudsman at iba pang ahensya ng pamahalaan sa pagbusisi ng mga iregularidad sa infrastructure projects.
“Mas gumagaan ang trabaho dahil naiipon na ang mga dokumento, testimonya at witnesses. Kapag na-vet na ito ng ICI, mas madali na para sa Ombudsman at DOJ ang maglabas ng resolusyon,” paliwanag niya.
Nauna nang sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na kung sakaling mabuwag ang ICI, ang panukalang Independent People’s Commission (IPC) ang sasalo sa imbestigasyon ng mga anomalya.
Ito ay kasunod ng pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na naniniwala siyang may isa o dalawang buwan na lamang ang ICI bago nito i-turn over ang mga kaso sa kanyang tanggapan.
Ayon kay Sotto, ang IPC na kanyang inihain noong Agosto ay nasa ikalawang pagbasa na at maaari umanong maipasa sa loob ng isa hanggang dalawang buwan. May prosecutorial powers umano ito, kabilang ang pag-iisyu ng subpoena at kapangyarihang mag-contempt.
Hindi tulad ng ICI na nakatuon lamang sa infrastructure projects, sinabi ni Sotto na ang IPC ay maaaring mag-imbestiga ng anomang uri ng anomalya sa bansa. Dagdag pa niya, ang pinuno ng IPC ay dapat dating chief justice, tulad ng kasalukuyang ICI na pinamumunuan ni dating Supreme Court Justice Andres Reyes Jr.
Matatandaang sinabi ni ICI Executive Director Atty. Brian Hosaka na tuloy ang operasyon ng komisyon dahil marami pa silang sinusuring dokumento kaugnay ng umano’y ghost flood control projects.
(CHRISTIAN DALE)
23
