IMPEACHMENT NAKAUMANG VS MARCOS JR., VP SARA?

HINDI lamang si Vice President Sara Duterte ang posibleng sampahan ng impeachment case sa susunod na buwan kundi maging si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ayon kay Caloocan City Rep. Edgar Erice.

Sa isang panayam kahapon, sinabi ni Erice na magiging “exciting” umano ang mga kaganapan sa Mababang Kapulungan pagsapit ng Pebrero.

“Mukhang exciting ang House sa Pebrero dahil palagay ko hindi lang impeachment case ng Vice President ang maririnig natin. May mga kongresista ring magfa-file ng impeachment laban kay PBBM, kaya dalawang impeachment case ang aabangan natin,” ani Erice.

Una nang inanunsyo ng grupong Bayan na maghahain ito ng panibagong impeachment complaint laban kay VP Duterte matapos ang one-year ban sa Pebrero 6, 2026. Kinumpirma rin ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio na ineendorso nila ang nasabing hakbang.

Kabilang sa posibleng isama sa reklamo laban kay Duterte ang kwestiyonableng paggamit umano ng P612.5 milyong confidential funds mula 2022 hanggang 2023, gayundin ang rebelasyon ni Ramil Madriaga ukol sa umano’y pagpopondo ng mga drug lord at Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa kandidatura ng Bise Presidente.

Samantala, sinabi ni Erice na wala pa siyang impormasyon kung aling grupo ang maghahain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos Jr. Gayunman, una nang nagpahayag si Batangas Rep. Francisco “Kiko” Barzaga ng intensiyon na magsampa ng reklamo laban sa Pangulo.

Ayon kay Erice, may kaugnayan umano ang reklamo ni Barzaga sa pananagutan ng Pangulo sa mga alegasyong anomalya sa flood control projects, subalit walang kopya ng reklamo ang naibigay sa media at hindi rin ito pormal na naihain sa Kamara.

Nilinaw naman ni Erice na wala siyang personal na ineendorso sa alinmang impeachment complaint laban kina Marcos at Duterte, ngunit susuriin at pakikinggan umano niya ang mga ito sakaling umabot sa House Committee on Justice.

Pinalagan ni Polong

Kaugnay nito, hindi pa man naihahain, mariing kinuwestiyon ni Davao City Rep. Paolo “Polong” Duterte ang planong panibagong impeachment complaint laban sa kapatid na si VPSara.

“Bago pa man ihain ang anomang panibagong impeachment complaint ngayong Pebrero 2026, ito ay panawagan sa aking mga kasamahan—huwag ninyong ipasa sa taumbayan ang isang desisyong matagal nang niluto sa likod ng saradong pinto,” pahayag ni Duterte.

Nauna nang umalingawngaw ang posibilidad ng bagong impeachment case laban kay VP Duterte matapos ang one-year ban noong Pebrero 6, 2026, kaugnay ng unang reklamo na hanggang ngayon ay nakabinbin sa Korte Suprema.

Bukod sa isyu sa umano’y pagwaldas ng P612.5 milyong confidential funds at ang banta sa buhay nina Pangulong Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez, posibleng isama rin sa reklamo ang alegasyon ni Madriaga ukol sa pagpopondo ng mga drug lord at POGO operators sa kampanya ni VP Duterte.

“Sa pulitika, walang libreng pirma. Bago kayo pumirma, sagutin ninyo muna ang taumbayan—ano ang kapalit, sino ang nagdikta, at kanino kayo tunay na loyal,” giit ni Rep. Duterte.

Bilang tugon, sinabi ni Rep. Tinio na ang dapat umanong pagtuunan ay kung may lehitimong isyung pinagbabatayan ang impeachment.

Dagdag pa niya, hindi umano sapat na ituring na pulitikal lamang ang usapin dahil may malinaw na ebidensya ng maling paggamit ng pondo.

(BERNARD TAGUINOD)

39

Related posts

Leave a Comment